SUGATAN ang isang konsehal at pulis sa pananambang ng mga hinihinalang kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Daraga, Albay, Biyernes ng umaga. Hinihinala na ang pananambang ay may kaugnayan sa parating na halalan, ayon sa pulisya. Sa pananambang ay nagtamo ng mga sugat sa binti si Councilor Mark Magalona habang si SPO4 John Mallorca ay tinamaan sa kanang balikat, sabi ni Senior Supt. Marlo Meneses, direktor ng Albay provincial police. Naganap ang insidente dakong alas-9:25, habang dumadaan sina Mallorca, kanyang team, at Magalona sa Brgy. Bigao lulan ng bagong-biling Mahindra patrol jeep ng pulisya. Pabalik si Mallorca at mga kapwa miyembro ng Daraga Police mula sa pagbabantay sa “consultation” ni Mayor Gerry Jaucian sa mga lider ng barangay nang paputukan ng mga rebelde ang kanilang sasakyan, ani Meneses. Kasama ng mga pulis si Magalona dahil nakiangkas ang konsehal sa patrol jeep, aniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.