Yagit sa kalye nawawala, kapit-tukong opisyal naglilipana | Bandera

Yagit sa kalye nawawala, kapit-tukong opisyal naglilipana

Bella Cariaso - November 15, 2015 - 03:00 AM

SA mga oras na ito, inaasahan na nawalis na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga street families na nakatira sa kahabaan ng Roxas Boulevard.

Kahit ano pang paliwanag ng mga tagapagsalita ng Malacañang, partikular nina Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte at Social Welfare Secretary Corazon “Dinky” Soliman, hindi mabobola ang publiko.

Maliwanag namang ginagawa ito para itago ang mga street families sa mata ng mga delegado para sa Asia Pacific Economic Conference (APEC).

Nakakahiya nga naman na sa tabi ng pagdarausan ng APEC ay pakalat-kalat ang mga pamilyang walang mga tirahan at nakatira sa mga kalye dahil sa walang mga permanenteng matutuluyan.

Binatikos na ng Simbahan ang ginagawang pagpapaalis ng DSWD sa mga taong kalye.

Hindi rin kapani-paniwala ang depensa ng Malacanang at ni Soliman na ginawa naman ang pagkalinga sa mga mahihirap sa buong taon at hindi lamang para sa APEC.

Maliwanag na pansamantalang itinira ang mga street families sa ibang lugar para maging malinis ang mga daraanan ng mga delegado ng APEC.

Asahan na pagkatapos ng APEC, ilang araw lamang ay balik na naman sa kalye ang mga street families.

Kung kaya ng pamahalaan at DSWD na matanggal ang mga street families sa mga kalye ng isang linggo, bakit hindi ito gawin ng permanente.

Hindi biro ang panganib ng mga pamilyang nakatira sa bangketa, lalo na sa kalye.

Hindi lang dapat napapansin ng pamahalaan at ng DSWD ang mga street families tuwing may malaking pangyayari sa bansa gaya noong dumating dito sa Pilipinas si Pope Francis.

Dinala pa sa resort ang mga pamilya para lamang maitago sa Pope gayung sila nga dapat ang binibendisyunan ng Santo Papa at hindi ang mga pulitiko.

Pagkatapos ng mga aktibidad sa APEC, makakalimutan muli ang mga street families hanggang sa may malakihang pagtitipon muli na magaganap sa ating bansa.

Nakakahiya ang Pilipinas na nangyayaring tanim-bala sa NAIA.

Sa ginawang imbestigasyon ng Senado, nagturuan pa ang mga opisyal sa pamumuno nina Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya at Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Jose Angel Honrado.

Kailangan pang manghimasok ng Senado para mabunyag ang talamak na sindikato sa NAIA na bumibiktima ng mga kawawang pasahero.

Kundi pa umalma ang mga biktima at tumulong ang Publi Attorney’s Office (PAO), hindi pa mabibigyan ng hustisya ang mga kawawang Overseas Filipino (OFWs) at mga banyagang nabiktima ng tanim-bala.

Sana nga lang at hindi ningas-kugon ang ating mga opisyal at talagang mapahinto ang nangyayaring tanim-bala sa airport at mapanagot ang nasa likod ng sindikato na ito.

Kapit-tuko pa rin sina Abaya at Honrado sa kanilang puwesto sa kabila ng mga panawagang magbitiw na sila.

Kung ayaw ninyong umalis sa inyong puwesto, kumilos man lang kayo at patunayang may ginagawa kayo sa inyong nasasakupan.

Lalo na si Abaya na kaliwa’t-kanan na ang mga batikos sa kanya sa harap ng palpak na pamamalakad, heto’t nagmamatigas talaga siyang hindi magre-resign.

Hihintayin na lamang ba natin ang susunod na bagong administrasyon para maisaayos ang pamamalakad ng mga ahensiyang nasa ilalim ni Abaya?

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Iyan ang hirap kapag kapit-tuko sa puwesto ang mga nanunungkulan.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending