Pagiging ‘no-show’ ni PNoy sa Yolanda anniv; dahil sa kasal ng anak ng isang bilyonaryo?
NABIGONG kumpirmahin ng Palasyo ang ulat na piniling dumalo ni Pangulong Aquino sa kasal ng bunsong anak na lalaki ng bilyonaryong si Andrew Tan imbes na bumisita sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda matapos gunitain ang ikalawang anibersaryo nito noong Linggo.
Sa isang panayam, sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) head Secretary Herminio “Sonny” Coloma na base sa rekord ng Appointments Office, wala namang natanggap na imbitasyon si Aquino para sa naturang kasalan.
“Ang mahalaga para sa ating Pangulo ay iyong pagtutok doon sa mga nakalatag na na rehabilitation at reconstruction programs. At tinututukan po, lalung-lalo na iyong pagtatatag ng permanent housing para sa mga pamilyang apektado ng kalamidad, at iyong paghahatid ng iba pang mga kagalingan sa kanila ‘no katulad ng mga livelihood at employment opportunities. Kaya wala pong ganoong intensyon, at patuloy pa rin naman pong tinututukan ang kapakanan ng ating mga pamilyang apektado ng Yolanda,” sabi ni Coloma.
Ito”y matapos mag-trending sa social media ang litrato ni Aquino na dumalo sa kasal ng bunsong anak ni Tan imbes na pangunahan ang paggunita ng ika-2 anibersaryo ng pagtama ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas noong Linggo.
Maraming biktima ng bagyong Yolanda ang napataas ang kilay matapos malaman ang dahilan kung bakit no-show si Aquino sa Tacloban.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.