Binay itinanggi na may kinalaman sa housing backlog 2 taon pagkatapos ng Yolanda
ITINANGGI ni Vice President Jejomar Binay na may kinalaman siya sa pagkakabalam ng pagpapatayo ng mga pabahay para sa mga biktima ng bagyong Yolanda dalawang taon pagkatapos ng pananalasa nito.
Sinabi ni Binay na pinagkakasya lamang ng National Housing Authority ang pondong inilaan para sa pabahay ng mga biktima ng Yolanda nang siya ang chairman ng NHA.
“Kami sa NHA kasi, when I was part of the Cabinet, I was the chairman of NHA. Hanggang sa kahapong nandito ako, ‘yong sinasabi na nagawa na bahay ng NHA ay ganito lang. I hope you understand ha, walang kasalanan ho kami sa NHA. Kami, we worked on the basis of the money given to us. Yong mga natapos, ay yon lang ang nasakop ng perang ipinadala. Kulang ang ipinadala, ayon nagkaroon ng backlog. So, bakit?” sabi ni Binay.
Idinagdag ni Binay na dapat magpaliwanag ang administrasyon ni Aquino sa kabiguang magpalabas ng pondo para sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng bayong Yolanda.
“I think the people of Leyte deserve to know what really is the problem bakit naantala tayo,” dagdag ni Binay.
Batay sa pahayag ng NHA, umabot lamang sa 17, 641 bahay ang naipatayo kumpara sa 92,554 bahay na kailangan ng mga pamilyang biktima ng Yolanda,
Idinagdag ni Binay na hindi dapat ikumpara ang Yolanda sa mga bagyong tumama sa ibang bansa para ikatwiran kung bakit napakabagal ng rehabilitasyon sa mga apektado ng bagyong Yolanda.
“I think it’s not a good explanation to say, ‘No, we did better than other countries.’ Hindi naman pinag-uusapan yung who did better. Ang sinasabi ko ngayon, bawat araw ay mahalaga,” ayon pa kay Binay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.