Motorcycle rider patay matapos maaksidente sa Quezon
DEAD on the spot ang isang nagmomotorsiklo matapos bumangga ang kanyang sinasakyan sa isang cargo truck sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Sariaya, Quezon, kahapon ng madaling araw.
Binabagtas ng biktima na nakilalang si John Erick Merano, 26, ang kahabaan ng Barangay Concepcion Uno papunta sa bayan ng Sariaya sakay ng isang Kawasaki motorcycle (2174 WP) ganap na alas-2 ng umaga nang bumangga ito sa isang Mitsubishi wing van (GNR 357), ayon kay Superintendent Harold Depositar, Sariaya police station chief.
Sinabi ni Depositar na nagtamo ang biktima ng sugat sa iba’t-ibang parte ng kanyang katawan at nagtamo rin ng mga pinsala sa ulo dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.
Ayon kay Depositar, walang suot na helmet ang biktima.
Ikinulong naman ang truck driver na si Sanny de la Cruz sa Sariaya police jail habang inihahanda ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.