Chopper sa susundo sa mga nasawi, nasugatan sa clash, nag-crash; 9 sugatan
SIYAM na kawal ang sugatan nang mag-crash ang helicopter, na susundo sana sa mga sundalong nasugatan at nasawi sa bakbakan, sa Malapatan, Sarangani Sabado ng umaga, ayon sa militar. Bumagsak ang Air Force UH-1D helicopter sa Sitio Lamsalo, Brgy. Upper Suyan, dakong alas-9:40, sabi ni Captain Alberto Caber, tagapagsalita ng Armed Forces Eastern Mindanao Command spokesman. “There were prevailing strong winds when the helicopter was landing,” ani Caber. Nagtamo ng bahagyang pinsala ang siyam na kawal na kinabibilangan ng dalawang piloto, mga crew member, at iba pang sundalong lulan ng chopper, aniya. Ayon kay Caber, susunduin sana ng helicopter ang mga kawal na nasugatan at nasawi sa pakikipagsagupa sa New People’s Army (NPA), doon din sa Malapatan, noong Biyernes. Isang miyembro ng Army 73rd Infantry Battalion ang nasawi at lima pa ang nasugatan sa pakikipagsagupa sa di mabatid na bilang ng kasapi ng NPA Far-South Mindanao Regional Committee, aniya. “Hinahabol noon nung tropa ‘yung mga bandido na sumunog sa school building project ni [Sarangani Rep.] Manny Pacquiao last week,” ani Caber. Dahil sa insidente Sabado, nagpadala si Lt. Gen. Aurelio Baladad, hepe ng EastMinCom, ng karagdagang helicopter para ituloy ang pagsundo sa mga casualty, aniya. “Ang alam lang namin sa ngayon, malakas ang hangin noon,” sabi ni Caber nang tanungin kung sinisilip din ng militar ang posibilidad na mechanical o pilot error ang sanhi ng crash. “Air Force officials will conduct a deeper investigation,” aniya pa. Sinabi naman ni Col. Enrico Canaya, tagapagsalita ng Air Force, na sa ngayon ay sinisilip ng hukbo ang “environmental factors” na maaaring nagdulot ng crash. “The area of the crash is elevated and strong wind conditions could be a contributory environmental factor,” sabi ni Canaya sa isang kalatas. “Grounding of [this] aircraft type is still being evaluated… An investigation will be pursued following the incident,” aniya pa. Noong 2013, lumagda ang Department of National Defense ng kontrata para bumili ng 21 refurbished na UH-1D helicopter mula sa joint venture ng Rice Aircraft Services Inc. at Eagle Copters Ltd. sa halagang P 1.2 bilyon. Tinerminate ng DND ang kontrata nitong nakaraang Marso dahil pito lang sa 21 unit ang nadala ng kompanya sa loob ng palugit. Naganap ang termination sa gitna ng isang kontrobersiya kung saan nag-akusa ang ilang indibidwal na nagbayad ang contractor para lang makapasa sa rekisito ang mga “obsolete” at “unreliable” na helicopter. Itinanggi ng DND ang alegasyon at nagsagawa pa ng flight demonstration ng mga UH-1D helicopter noong Hulyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.