NAPAPRANING na nga ang mga kababayan nating paalis at maging ang mga nagnanais umuwi ng Pilipinas dahil sa takot na mahulihan ng bala sa sandaling mapadaan sa X-ray machine sa Ninoy Aquino International Airport.
Habang may isinasagawang press conference sa NAIA kamakalawa, dalawa agad ang insidenteng naiulat ng aming Radyo Inquirer reporter na si Ruel Perez nang mga sandaling iyon.
Isang Fil-Am na may dalang bala at baril ang nahuli sa final screening sa airport. Tanong ng Bantay OCW bakit sa final screening lang na nahuli iyon? Hindi lang bala ang dala nang naturang Fil-Am, may baril pa, hindi ba mas malaki ang baril sa bala at hindi kaagad nakita sa initial screening pa lamang?
Kasabay nito, may isang OFW naman na nahulihang may dalang bala ngunit umamin itong nadala nga raw niya iyon at hindi lang natanggal sa bag.
Paliwanag ng mga opisyal ng airport, ginagamit kasing anting-anting o agimat ng ilan nating mga kababayan ang bala ng baril.
Sagot naman ng mga biyaherong OFW, matagal na nilang alam yun. At hindi naman bago sa kanila iyon.
Pero teka lamang, bakit ang mga dayuhan ba nagdadala din ng bala bilang anting-anting?
Sa report ng Europe Online ni Arlene Andes, maging ang mga ibang lahi, usap-usapan na rin ‘anya ang balitang tanim bala o laglag bala sa NAIA.
Biruan daw tuloy sa Europa na magaling talagang magsasaka o farmer ang Pinoy. Pati bala kayang itanim!
Kapag pauwi nga ng Pilipinas, ibinabalot talaga nila ng plastic ang kanilang mga bagahe, kahit nagkakahalaga pa iyon ng 10 Euro, kulang na lang ‘anya pati ang kanilang mga katawan sy ibalot na rin.
Mula ng pumutok ang balitang ito, halos lahat ng mga nahuli ay todo-tanggi na sa kanila ang balang nakumpiska sa kanila.
Ang matindi, iba ang ebidensiyang iprinisinta sa aktwal na balang nakuha gaya na lang ng kaso ng OFW na si Godinez na patungo sana ng Hong Kong. Mahigit 20 taon na siyang pabalik-balik sa HK, ay hindi pa rin nakaligtas sa modus operandi na ito.
Gayong puwedeng kasuhan ang mga may gawa nito at may katumbas na habambuhay na pagkabilanggo kapag napatunayang guilty sa kasong planting of evidence.
Siyempre, tanggi to death din ang mga airport official na pakulo nila ang naturang mga bintang upang makapag-extort lamang o makapangikil ng pera sa mga biyahero.
Pero marami din ang naniniwalang matagal nang nangyayari ito, at hindi na ito bago, kaya nga lamang nagkalabasan, dahil may pumalag. Ayaw magbigay!
Sabi nga ng isang negosyanteng madalas bumiyahe, kung siya man ‘anya ang nahulihang may bala sa bag, tiyak na matatakot siya, kakabahan na makulong gayong alam niyang inosente siya. At para huwag nang maabala pa, tiyak na magbibigay na lamang siya upang makaalis ng bansa o makapasok ng wala nang aberya.
Kaya ang kaawa-awang biktima, laglag-lagay din kontra laglag-bala!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.