Military truck nakanal; 11 kawal sugatan
Labing-isang sundalo ang sugatan nang maaksidente ang sinakyan nilang military truck sa Maluso, Basilan, kamakalawa (Miyerkules) ng hapon, ayon sa militar kahapon.
Inilipad ang mga sugatan, na pawang mga miyembro ng Marine Battalion Landing Team-11 (MBLT-11), patungong Zamboanga City para malunasan, sabi ni Capt. Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng Armed Forces Joint Task Force Zambasulta.
“Most of them ang slightly injured, then may dalawa na medyo mas malala na dinala sa private hospital para mapa-X-ray,” sabi ni Trinidad nang kapanayamin sa telepono.
Naganap ang aksidente dakong alas-2:20, habang binabagtas ng mga elemento ng MBLT-11 ang bahagi ng Basilan Circumferential Road na sakop ng Brgy. Abong-Abong.
Patungo ang mga kawal sa Manggal, Sumisip, mula Isabela City, nang maaksidente ang sinakyan nilang M35 truck (SJM-292), ani Trinidad.
“Nahulog [ang truck] sa malalim na kanal… Probably nawalan ng control ang driver, kasi ‘yung mga ganyan alam niyo naman, mabibilis ang takbo niyan,” aniya.
“Iniimbestigahan pa kung nawalan ng brake, pero probably lost control ‘yan,” sabi pa ni Trinidad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.