Negosyanteng nasa drug watchlist tinumba
Nasawi ang isang negosyanteng umano’y nasa drug watchlist ng pulisya nang pagbabarilin ng di pa kilalang salarin sa Calaca, Batangas, kagabi.
Dead on arrival sa ospital si Andrinyl Sarmiento, 33, dahil sa mga tama ng bala sa iba-ibang bahagi ng katawan, ayon sa ulat ng Batangas provincial police.
Naganap ang insidente sa farm ni Sarmiento sa Sitio Sabak, Brgy. Madalunot, dakong alas-9:30.
Una’y naiwasan ni Sarmiento ang pagbaril sa kanya ng gunman habang siya’y nasa imbakan ng pagkain ng hayop kaya nakatakbo palayo, pero sinundan at muling pinagbabaril hanggang sa mapatay, ayon sa ulat.
Natagpuan ng mga rumespondeng pulis sa pinangyarihan ang walong basyo at apat na slug ng kalibre-.45 pistola.
Inaalam pa ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan ng salarin, na agad tumakas, habang nabatid sa tala ng lokal na pulisya na si Sarmiento ay ika-14 sa drug watchlist ng Calaca, ayon sa ulat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.