CEBU CITY– Pumanaw na ang dating senador na si Ernesto Herrera dahil sa cardiac arrest alas-2 ng umaga Huwebes sa Manila Doctors Hospital sa UN Avenue, Manila. Siya ay 73 anyos.
Ayon kay dating Calape Bohol Mayor Ernest Herrera, dinala ang kanyang ama sa ospital noong isang linggo dahil sa minor health problem ngunit nagkaroon ito ng mild stroke sa ospital.
Dahil dito ilang araw siyang na-confine sa intensive care unit.
“He was okay. Everything was okay until this (Thursday) morning. He talked. He was conscious. (His) vitals signs were okay. Then this morning, it suddenly happened,” ayon sa dating alkalde.
Dadalhin ang mga labi ng dating senador sa Heritage Park. Ang burol ay pansamantalang gagawin sa Maynila para ang mga dating kasamahan nito sa Senado at Kongreso ay makapagbigay ng huling respeto sa dating kasamahan.
Sa Cebu ililibing ang dating senador kung saan nagmula ang kanyang pamilya.
Isinilang si Herrea noong September 11, 1942. Naulila nang dating senador ang misis na si Lourdes at apat na anak. Si Lourdes ay nasa Cebu nang pumanaw ang mister nito. Hindi rin agad ipinaalam sa kanya ang nangyari sa yumaong asawa.
Si Herrera ay dating kaalyado ng dating Pangulong Cory Aquino at nahalal bilang senador noong 1987 hanggang 1998. Nahalal din siyang kongresista ng Bohol noong 1998 hanggang 2001 bago naging pinuno ng Trade Union Congress of the Philippines. Naging general secretary rin siya ng Asian Trade Union.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.