Ikalawang panalo puntirya ng Alaska Aces
Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
4:15 p.m. Alaska vs Blackwater
7 p.m. Globalport vs Star
MAKUHA ang ikalawang sunod na panalo na maglalagay dito sa itaas ng team standings ang puntirya ng Alaska Aces ngayon sa pagpapatuloy ng 2015-16 PBA Philippine Cup elimination round sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Makakasagupa ng Aces ang Blackwater Elite sa unang laro dakong alas-4:15 ng hapon bago sundan ng salpukan sa pagitan ng Star Hotshots at Globalport Batang Pier sa ganap na alas-7 ng gabi.
Ang Alaska ay manggagaling sa 114-98 panalo kontra Talk ‘N Text Tropang Texters noong nakaraang Biyernes habang ang Blackwater ay magbubuhat sa 90-86 pagkatalo sa NLEX Road Warriors sa nasabi ring araw.
Sina Calvin Abueva, Sonny Thoss, Vic Manuel, Jayvee Casio at Chris Banchero ang sasandalan ni Aces coach Alex Compton para ihatid ang koponan sa ikalawang panalo.
Sasandigan naman ni Elite mentor Leo Isaac sina Mike Cortez, Keith Agovida, Raphael Reyes, Reil Cervantes at Jason Ballesteros para pangunahan ang koponan.
Nakabangon naman ang Star buhat sa 96-87 kabiguan na pinalasap ng Rain or Shine Elasto Painters sa opening game ng liga noong Oktubre 21 nang payukuin ng Hotshots ang Barangay Ginebra San Miguel Kings, 86-78, noong Linggo.
Ang Globalport ay tumukod naman sa San Miguel Beermen, 97-86, sa kanilang out-of-town game na ginanap sa University of Southeastern Philippines gym sa Davao City noong Sabado.
Aasahan ni Star rookie coach Jason Webb sina James Yap, Marc Pingris, Mark Barroca, Peter June Simon, Alex Mallari at Ian Sangalang para ipagkaloob sa koponan ang ikalawang panalo.
Ang Batang Pier, na ginagabayan ni Pido Jarencio, ay pamumunuan naman nina Terrence Romeo, Stanley Pringle, Joseph Yeo, Doug Kramer, Rico Maierhofer at Keith Jensen na tatangkaing mahablot ang unang panalo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.