NAGSELEBRA ang mga panatiko ng Letran sa pangunguna ni Manny Pacquiao nang talunin nila ang dating kampeon San Beda, 85-82, sa Game Three sa 91st NCAA men’s basketball finals kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Hindi nawala sa focus ang Knights kahit nakabangon ang Red Lions mula sa walong puntos pagkakalubog sa huling yugto at naihirit ang overtime sa 75-all iskor nang nagtulong sina Kevin Racal, Jomari Sollano at Mark Cruz sa mahalagang yugto ng extension.
Ang one-hander ni Baser Amer ang nagbigay sa Red Lions ng 82-79 kalamangan pero humirit ng dalawang free throws si Racal. Naispatan ni Cruz ang libre sa baseline na si Sollano para kunin na ng Knights ang kalamangan, 83-82, sa huling 32.6 segundo ng laro.
Mula rito ay kumapit pa ang suwerte sa Knights dahil matapos ang split ni ni Sollano ay nagkaroon ng double lane violation at ang possession arrow ay napunta sa Knights, may 6.4 segundo sa orasan.
“The players deserved this victory,” wika ni Letran rookie coach Aldin Ayo. “Kung may strength kami, ito ay matatalino ang mga players ko.”
Ang rookie na si Sollano ay gumawa ng career-high 19 puntos habang sina Racal, Cruz at Rey Nambatac ay naghatid ng 23, 14 at 13 puntos.
Si Arthur Dela Cruz ay mayroong 15 puntos, 13 rebounds at 8 assists, si Javee Mocon ay mayroong 14 puntos at 14 rebounds, si Amer ay may 14 puntos, siyam sa huling yugto, at si Ola Adeogun ay may 13 puntos at 10 rebounds para mabigo sa hangaring maging kauna-unahang koponan sa liga na naka-anim na sunod na titulo sa seniors division.
Maagang kumawala ang Letran at hinawakan ang 10 puntos kalamangan sa pagbubukas ng ikalawang yugto, 22-12, sa buslo ni JP Calvo.
Pero bumalik ang Red Lions at dalawang triples ang ginawa ni Dela Cruz habang tig-isa ang kinana nina Ryusei Koga at Dan Sara para ilapit sa isa ang koponan sa halftime, 39-40.
Dalawang triples ni Cruz at isa kay Racal ang nagtulak uli sa Letran sa 75-67 kalamangan pero si Amer ay may apat na puntos sa 8-0 bomba para magkaroon ng overtime.
Hindi naman napigil ang San Beda Red Cubs na kinuha ang ikapitong sunod na titulo sa juniors division sa 70-61 panalo sa Arellano Braves sa unang laro.
Sina Germy Mahinay, Evan Nelle at Eduardo Velasquez ay may 15, 13 at 12 puntos para sa Red Cubs na pinawi ang kabiguang walisin ang kompetisyon sa pagsungkit pa rin sa mas mahalagang kampeonato sa juniors division.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.