KAHIT may kalayuan at mahigit tatlong oras ang biyahe mula sa amin ay dinayo ko noong Linggo ang Sta. Cruz, Laguna kung saan ginanap ang National Finals ng 2015 Milo Little Olympics.
At dahil sa dulong buntot na ito ng naturang three-day event ay kakaunti na lang ang mga larong aking nadatnan. Gayunpaman, sulit pa rin ang aking pagpunta dahil pukpukan ang aksyon at matayog ang emosyon sa laban dahil nakataya na ang pinakaaasam na mga gintong medalya at ang karangalang tanghalin bilang mga pinakamagagaling na elementary at high school student-athletes sa buong bansa.
Kumpara sa ibang torneo, paligsahan at palaro ay mas naaaliw at mas natutuwa akong panoorin ang mga batang atleta rito sa Milo Little Olympics.
Tingnan mo lang sa mata ang mga bata. May mga matang ngumingiti kapag nakakapuntos. May mga matang nakatuon sa isang hangarin na parang tigre na handing sakmalin ang isang tupa. May mga matang balisa na tila hinahanap si coach o si nanay para itanong kung ano ang kanyang gagawin. At may mga matang nababasa ng luha matalo man o manalo.
Sila ang mga atletang tunay na lumalaban na may puso lalo na rito sa National Finals kung saan nagtatagisan ang mga gold medalists ng bawat sport mula sa apat na regional elimination legs sa Mindanao, Visayas, Northern/Central Luzon at National Capital Region/Southern Luzon.
Walang katumbas na halaga ang bawat panalo at walang nakalaang premyo ang bawat tagumpay bukod sa medalya at sa mga walang humpay na papuri ng mga titser, kaeskuwela at kamag-anak pag-uwi nila sa kani-kanilang bakuran.
Naalala ko tuloy noong una kong kinober ang Milo Little Olympics sa taong 1997 sa Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Maynila.
Bagito pa lang ako sa sportswriting noon at namangha na ako sa mahigit 20 paaralan na lumahok dito. Noon pa man nakita kong may patutunguhan ang Milo Little Olympics pero hindi ko naisip na lumaki ng ganito ang palarong ito.
Sampung events lamang ang nilaro noong 1997 sa elementary at high school. Ngayon ay 13 na ang regular sports bukod pa sa dalawang demonstration sport na arnis at karate na ipinakilala sa taong ito.
Sa bawat leg ngayon ay may average na 160 hanggang 180 paaralan na ang sumasali taun-taon.
akatutuwa dahil sa pagsilang ng Milo Little Olympics ay itinakda itong ganapin kada apat na taon lamang para sumabay sa aktuwal na Olympic Games.
Pero umpisa 1992 ay ginawa na itong annual event at umpisa noon ay tumatak na ito sa kamalayan ng batang atleta at pinaghahandaan na ito ng mga paaralan pribado man o pampubliko.
Siyempre, para patuloy na lumago ang event na ito ay kinailangang mag-level up ang Milo Little Olympics at ginawa nga nila ito noong 2009 nang baguhin nito ang format ng palaro at magkaroon ng National Finals kung saan maghaharap ang mga champion players mula sa apat na regional legs.
Ito ang pinakamagandang nangyari sa Milo Little Olympics.
Oo nga’t lalong lumaki ang gastos ng Milo dahil dinadala nila ng libre ang lahat ng gold medalists sa iisang venue para magkasubukan sa National Finals pero nabigyan naman ng Milo ang mga batang ito ng isa pang dahilan para magpursige, para patuloy na mangarap at para magkaroon ng mas mataas na antas na kompetisyon.
Hindi porke nanalo ka na sa regional level ay ikaw na ang pinakamagaling. Hindi porke wala nang tumatalo sa iyo sa iyong rehiyon ay titigil ka na sa pagte-training. Hindi porke may gintong medalya na ay wala ka nang ibang gintong medalyang pupuntiryahin.
Ito ang pinakaimportanteng regalo ng Milo sa mga batang atleta.
Nakuha ng Visayas ang unang tatlong overall championship pero sinagot ito ng NCR/Southern Luzon na namayani ng tatlong sunod na taon.
Noong Linggo ay nabawi ng Team Visayas ang korona mula sa host team nang umani sila ng 577 puntos.
Medyo masakit para sa NCR/SL ang kabiguang ito dahil tinalo sila ng Visayas sa napakanipis na 2.5 puntos lamang.
Nakaiskor ng 306.5 puntos ang Visayas sa secondary division at 270.5 puntos sa elementary division habang ang NCR/SL ay kumulekta ng 295.5 puntos sa high school division at 279 puntos sa elementary level.
Noong 2013 ay tinalo ng NCR/SL ang Visayas ng anim na puntos para sa ikalawang sunod na overall championship nito.
Nanatili namang nasa pangatlong puwesto sa taong ito ang Mindanao na may 422 puntos habang ang Northern/Central Luzon ay nakakuha ng 316.5 puntos.
Umiskor ng malaki sa board games ang Team Visayas nang walisin nito ang boys at girls division sa chess at scrabble event sa elementary at high school level.
Ang mas nakamamangha pa rito ay lahat ng mga nanalo ng ginto sa chess ay galing ng University of San Carlos at ang lahat ng mga nanalo sa scrabble ay galing ng University of San Jose-Recoletos.
Ibig sabihin nito ay talagang pinaghandaan ng USC ang chess at ng USJ-R ang scrabble.
Tingnan mo na lang, bumiyahe pa ang mga batang iyan mula Cebu para maglaro sa Visayas leg na ginanap sa Iloilo. At maging sa National Finals ay buo ang suporta ng dalawang eskuwelahan sa mga players nito maging ang mga parents.
Hindi naman kasi ganoon kadali humubog ng isang champion athlete.
Unang-una, siyempre kailangan ng mahusay na coach na kayang idisiplina at gabayan ang mga batang atleta.
Kasama rin diyan ang paaralan. May mga araw na hindi makakapasok sa eskuwela ang mga batang ito dahil sa training at kompetisyon kaya dapat suportado sila ng paaralan.
At higit sa lahat, nariyan dapat ang mga magulang, kapamilya at kaibigan na handang umintindi kapag minsan ay ginagabi sa pag-uwi dahil sa training.
Para sa lahat ng batang atleta na may pangarap maging kampeon, patuloy lang sa pag-ensayo at maniwala sa sarili.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.