2 batang swimmer humakot ng ginto sa 2015 Batang Pinoy Mindanao leg
NAIPAKITA ng dalawang batang tankers mula Iligan City at Davao City ang galing nang manalo ng maraming gintong medalya sa idinadaos na 2015 Batang Pinoy Mindanao Regional Qualifying leg swimming competition sa South Cotabato Sport Complex sa Koronadal City.
Lumabas na pinakamakinang sa girls’ 12-under si Aubrey Sheian Bermejo nang walisin ang pitong events na sinalihan na 400m freestyle, 100m freestyle, 200m freestyle, 50m butterfly, 100m butterfly, 200m medley at 200m freestyle relay events.
Ang 5-foot-4, 12-anyos na Grade Six mag-aaral ay nasa ikalawang pagkakataon ng pagsali sa kompetisyong inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pakikipagtulungan sa Philippine Olympic Committee (POC) at may ayuda ngayon ng Koronadal City sa pangunguna ni Mayor Peter Miguel, at nahigitan na niya ang ginawa noong 2014 na dalawang ginto sa relay events.
“Gusto ko po na mag-MVP ngayon kaya talagang nag-practice ako nang husto,” wika ni Bermejo na sasali rin sa National Finals sa Cebu City.
Hindi nagpapahuli ang 12-anyos Ateneo de Davao mag-aaral na si John Paul Elises na nakaanim na ginto na sa boys’ 100m freestyle, 200m freestyle, 50m butterfly, 100m butterfly, 200m medley relay at 200m freestyle relay.
“May isang event pa po ako at hindi ko po expected na ganito ang ipapakita ko. Pero ibinigay ko ang best ko,” wika ni Elises.
Dahil sa pagpapakitang-gilas nina Bermejo at Elises, ang Iligan City at Davao City ang nangunguna sa medal tally sa swimming at ang una ay mayroong 10 ginto habang walo ang bitbit ng huli matapos ang 48 events sa 64 events na pinaglalabanan.
Samantala, nakuha ng Davao ang ginto sa 3-on-3 girls’ title nang talunin ang General Santos City, 14-6. Nakabawi naman ang GenSan dahil ang kanilang boy’s team ang nagkampeon sa kalalakihan sa
19-13 panalo sa Tagum City.
Nakuha rin ng Davao ang girls’ team lawn tennis title habang sina Queen Peralta at Irish Yngayo ang nalagay sa 1-2 pagtatapos sa girls’ blitz sa chess.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.