Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. San Beda vs Arellano (juniors finals)
4 p.m. San Beda vs Letran (srs finals)
SA huling pagkakataon sa 91st NCAA men’s basketball ay magtutuos uli ang San Beda at Letran at ang magwawagi ang siyang kikilalanin bilang pinakamahusay na koponan.
Sa ganap na alas-4 ng hapon magsisimula ang Game Three at tiyak na mag-uumapaw uli ang Mall of Asia Arena sa Pasay City ng mga panatiko ng Red Lions at Knights upang suportahan ang kanilang mga koponan.
Bago ito ay susubukan ng San Beda na iuwi na ang ikapitong sunod na juniors title sa pagharap uli sa Arellano Braves sa ganap na alas-2 ng hapon.
Nabigo ang Red Cubs na makumpleto ang 20-game sweep tungo sa pagbulsa sa titulo nang lasapin ang 72-68 pagkatalo noong Martes.
Bumalik ang mabangis na opensa ng Red Lions na sinabayan ng magandang depensa sa huling yugto para maitabla ang best-of-three championship series sa 68-61 panalo.
Sina Arthur dela Cruz at Baser Amer ay mayroong 12 at 9 puntos para tulungan sina Ola Adeogun at Jayvee Mocon na may 14 at 13 puntos. Sina Dan Sara at Amiel Soberano ay nagsanib pa sa 10 puntos upang makasama si Mocon na binigyan ang Red Lions ng 28-11 bench points advantage.
“Baser is a winner being part of many championships since his high school days. Art, you can’t put a good man down,” wika ni Red Lions coach Jamike Jarin sa kanyang mga pambatong locals.
Ang dalawa at si Adeogun ang siyang huhugutan ng lakas ng Red Lions dahil sa kanilang championship experience na kailangan sa ganitong sudden-death para maging kauna-unahang koponan na naka-6-peat sa seniors division.
Hindi rin bibigay ang Knights na gustong makatikim uli ng titulo na huling nangyari noon pang 2005 season.
Nakita uli ang bangis ng depensa ng Knights nang nahiritan ng 32 errors ang Red Lions matapos ang 29 turnovers sa Game One.
Pero bumaba ang kanilang opensa dahil si Mark Cruz lamang ang nasa kondisyon sa kinamadang 21 puntos.
Si Racal ay may siyam na puntos lamang matapos ang career-high 28 puntos, habang bokya si Rey Nambatac para maging anino lamang ang Knights sa ipinakita 94-90 panalo sa unang labanan.
“Hindi para sa amin ang laro dahil hindi kami maka-shoot. But very optimistic pa rin ako na amin ito,” may kumpiyansang pahayag ni Letran coach Aldin Ayo.
Ang tatlong pambato pa rin ang aasahan pero kailangang kargahan pa ng ibang players ang ipakikita upang may sumalo sakaling isa uli sa mga inaasahan ang hindi pumutok.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.