Escudero itinanggi na pinagtaksilan si Poe matapos makipagpulong kay Binay
ITINANGGI kahapon ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang mga espekulasyon na tinabla niya si Sen. Grace Poe matapos makipagkita kay Vice President Jejomar Binay sa isang restaurant sa Davao City noong Linggo.
Sinabi pa ni Escudero layunin ng mga nagpapakalat ng intriga sa social media na pag-awayin sila ni Poe.
“Siyempre nanggagaling ‘yan sa mga grupong nais paghiwalayin kami ni Senator Grace dahil sa totoo lang, sa lahat ng mga katambalan, kami siguro ni Sen. Grace ang may pinakamahabang pinag-samahan, pinamakatagal nag sama at magkakilala kumpara sa ibang mga tandem…” sabi ni Escudero.
Iginiit ni Escudero na nagkataon lamang na kapwa sila inimbitahan ni Binay sa pananghalian noong Linggo ng may-ari ng restaurant sa Davao City.
Idinagdag ni Escudero na hindi rin nila napag-usapan ang isyu ng politika sa kanilang pagkikita.
“Wala. Pagkain nga lang e. Ang eksaktong conversation, ‘Good afternoon, kumain ka na ba? Tapos na, ako kakain, di pa kumakain. O, bakit may kare-kare dyan? Kami kanina wala. O, bakit may sinampalukan dyan? Kami kanina wala…’” sabi ni Escudero nang tanungin kung ano ang kanilang napag-usapan.
Itinanggi ng senador na ginawa ang pagpupulong sa isang pribadong kuwarto at naglalayong mapag-ayos sila ni Binay.
“Hindi naman kasi publikong lugar yun at wala naman kaming pinag-awayan. Hindi lang kami magkakampi ngayon, pero wala kaming pinag-awayan,” aniya.
Sinuportahan ni Escudero ang kandidatura ni Binay sa pagka-bise presidente noong 2010 ngunit naghiwalay sila nang hindi siya isama sa senatorial ticket noong 2013.
Ayon pa kay Escudero, nabanggit na rin niya kay Poe ang pagkikita nila ni Binay.
“Nagtanong at nakwento ko rin naman sa kanya kasi lumabas na din naman sa balita e, at ‘di rin naman tinago,” aniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.