PNP nangakong mananagot ang mga sangkot sa pagdukot kay Menorca
NANGAKO si Philippine National Police (PNP) na mananagot ang mga pulis na umano’y sangkot sa pagdukot sa sinibak na dating ministro ng Iglesia Ni Cristo (INC) na si Lowell Menorca II.
“Ang ginagawa ng Philippine National Police ay law enforcement without fear or favor. Hindi pinaguusapan ‘yung race, creed, o religion dito sa trabaho ng PNP. If somebody violates the law, the PNP will act accordingly,” sabi ni PNP chief Director General Ricardo Marquez.
Ito’y matapos ibunyag ni Menorca noong Linggo na tinangka ng advisory council o Sanggunian ng INC na siya ay ipapatay matapos niyang ibunyag ang umano’y katiwalian at pag-aaway-away sa loob ng simbahan.
Noong Hulyo, dinukot si Menorca ng mga armadong mga lalaki sa Bulan, Sorsogon at ikinulong sa Dasmariñas City Police station. Inakusahan ni Menorca ang isang dating Quezon City police chief na siyang nasa likod ng pagdukot.
“The cleansing of ranks in the PNP is done daily. We continue to make sure that appropriate actions are instituted, implemented against our people who are involved in any illegal activities,” dagdag ni Marquez.
Nauna nang napaulat na ni-lobby umano ng INC ang pagtatalaga kay Marquez bilang PNP chief.
Hinamon ni Marquez si Menorca na maglabas ng ebidensiya para patunayan ang kanyang alegasyon.
Nangako naman ang abogado ni Menorca na si Trixie Angeles na papangalanan ang opisyal na nasa likod ng kidnapping.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.