Claudine ginahasa ng ama; ‘Magpasikat’ winner ibabandera na
Tunghayan ang Optimum Star na si Claudine Barretto sa kanyang matapang na pagbabalik ngayong Sabado sa Maalaala Mo Kaya. Pagbibidahan ni Claudine ang isang mapangahas na kuwento na tumatalakay sa maselang usapin ng panggagahasa at incest.
Limang taong gulang lang si Leni (Claudine) nang gahasain siya ng mismong ama na si Ramon (Gardo Versoza). Ma-patutunayang guilty ang huli sa krimen at makukulong. Ngunit matapos ang anim na taon ay makakakuha ito ng pardon, makakalaya, at muling magbabalik sa kanilang tahanan.
Dito na magsisimulang mag-alala si Leni sa takot na gawin ng ama ang ginawa sa kanya sa nakababata niyang kapatid na si Aileen (Mika dela Cruz). Hindi naman nagkamali ang kanyang pangamba dahil unti-unting gagapangin ng amang hayok sa laman ang dalagita na mauuwi rin sa panggagahasa.
Dahil sa nangyari ay maglalayas si Aileen at sasarilinin ang problemang dinadala. Hahanapin siya ni Leni at sa kanilang muling pagtatagpo, gugulat sa kanila ang isang matinding balita – buntis si Aileen sa sariling ama.
Paano haharapin ni Aileen ang sitwasyon? Paano nito maapektuhan si Leni na sinisisi ang sarili sa nangyari dahil hindi niya nagawang proteksyunan ang kapatid?
Kasama rin dito sina Maureen Mauricio, Jao Mapa, Sue Ramirez, Allyson McBride, Marco Pingol, Louise Bernardo at Paolo Gumabao. Ito’y sa direksyon ni Jerry Sineneng, sa panulat ni Benjamin Logronio. Ngayong Sabado na ‘yan ng gabi sa MMK sa ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.