‘Pabebe Wave’ ng AlDub istrikto nang ipinagbabawal sa ABS-CBN
Nagulat kami sa pagiging honest ng batang aktor na si Ryle Paolo Santiago nang makatsikahan namin sa taping ng #ParangNormalActivity para sa kanilang Halloween episode na mapapanood sa TV5.
Kasama rin dito sina Andrei Garcia, Shaun Salvador, Taki, Ella Cruz at Kiray Celis mula sa direksyon ni Perci Intalan handog ng First Idea Company.
Inamin ni Ryle na naaaliw siya sa kalyeserye ng AlDub kapag natitiyempuhan niya ito sa Eat Bulaga. Natutuwa raw kasi siya kina Alden Richards at Maine Mendoza.
“Hindi naman ako kinikilig, pero natatawa ako sa kanila, lalo na kay Lola (Nidora) kasi ‘yung mga hindi planadong moment, doon ako natatawa at nagagandahan ako kay Maine,” diretsong sabi ni Ryle.
Napag-usapan na rin lang ang AlDub ay tinanong namin ang binatilyo tungkol sa Instagram post niya na pabebe picture na ikina-react daw ng daddy Junjun Santiago niya na business unit head naman ng It’s Showtime na katapat ng Eat Bulaga, “Ah, si Taki (kasama sa #ParangNormalActi-vity) sobrang hardcore fan po silang mag-ina ng AlDub, so sabi po niya ), ‘nood ka nga ng AlDub’ tapos may photo shoot po kami at sabi po niya magpabebe raw po ako, so ganu’n nga, tapos pinost niya at ni-repost ko naman kasi magka-loveteam naman kami at para sa promo rin ng #ParangNormalActivity.
“Tapos po, sinabi sa akin ni Taki na may article raw siyang nabasa tungkol sa pabebe raw ako, tapos naisip ko, ‘ay oo nga business unit head nga pala ang dad ko ng Showtime, nawala po talaga sa isip ko, hindi iyon intentional,” kuwento ni Ryle.
Hindi naman daw na-call ang attention niya ng kanyang tatay, pero ang ang stepdad niyang si Cris Tan ang kumausap sa handler niya. “Ki-nausap ng dad ko ‘yung handler ko na ipa-delete na lang daw po ‘yung picture na naka-pabebe ako.
Since then, bawal na po magpabebe sa ABS (CBN),” pahayag ng binatilyo. Samantala, natanong namin kung bakit parang mas active ang karera ni Ryle sa TV5 kaysa sa ABS-CBN kung saan siya nakakontrata.
May nagtsika kasing tila may humaharang daw sa mga proyekto niya, “May mga guestings po akong nawawala, like may guesting sa Singing Bee (noon), mga dalawang beses po iyon nag-inquire tapos biglang nag-cancel ng inquiry sa akin.
“Marami na pong inquiries, nawawala bigla sabi rin po sa akin ng handler ko mara-ming shows na para sa akin tapos biglang nawawala. Reasons unknown, pero siyempre nakakapagtaka,” pagtatapat ng batang aktor.
Nabanggit din ni Ryle na hindi siya tinutulungan ng papa Junjun niya sa career niya sa ABS-CBN, “business unit head po siya, but I’m not saying na pinipigil niya ang growth ko, pero hindi rin niya ako tinutulungan, kasi hindi po kami nagkikita, hindi rin po kami close, pero kapag nagkikita po, ‘hi and hello’, civil naman po.
“Pero ‘yung father and son relationship hindi ko po nararamdaman kasi bata pa pa po ako, naghiwalay na sila ng mom (Sherilyn Reyes). I grew up with my stepdad na nakakalimutan kong stepdad ko pala kasi he’s really a dad to me po,” sey nito.
Samantala, magkakaroon ng Halloween mall show ang cast ng #ParangNormalActivity sa Market! Market! para sa kanilang mga fans.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.