Asawa ng presidentiable na-late sa flight pa-Cebu
DA who ang asawa ng isang tumatakbo sa pagkapangulo sa 2016 elections ang na-late sa kanyang flight sa Cebu Pacific papuntang Cebu noong Biyernes ng umaga?
Makailang beses tinawag ang buong pangalan ng naghahangad na makuha ang titulo ng asawa ng isang nakaupong presidente.
Pasado alas-6 ng umaga noong Biyernes nang umpisahang tawagin ang pangalan ng asawa ng presidentiable.
Makailang ulit na nagsabi ng last call ang mga staff ng Cebu Pacific at binanggit ang pangalan ng potensiyal na first spouse.
Clue ba kanyo? Siyempre dahil presidentiable ang asawa niya, inaasahan nang mangangampanya siya sa Cebu at baka mamigay ng kanyang paboritong giveaway sa mga kapuspalad na nakaapak lamang kapag naglalakad.
Kontrobersiyal din ang personalidad na asawa ng presidentiable. Hindi ba’t inaaway niya ang mga bumabatikos sa kanyang asawa?
Nahulaan n’yo na siguro ang tinutukoy ko.
Nitong Biyernes ay humarap muli sa telebisyon si Pangulong Aquino para balaan ang publiko sa posibleng epekto ng bagyong Lando.
Bagamat ginagawa na ni Pangulong Aquino ang paglabas sa telebisyon kung may isyu na inaakala niyang napakaimporte at kailangan ng atensyon ng publiko, inaasahan na natin na ginagawa ito ni PNoy dahil ayaw niyang mabatikos ang kanyang administrasyon dahil ang apektado nito ay ang kanyang pambatong si Mar Roxas.
Sa pananalasa ni bagyong Lando, hangad natin na wala namang magiging pinsala ito sa mga apektadong lugar.
Bukod sa kahandaan ng pambansang gobyerno, inaasahan natin na ginagawa rin ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang trabaho para walang casualty na maitala sa mga apektadong lugar.
Dahil sa eleksyon sa susunod na taon, tiyak namang magpapakitang- gilas ang mga nakaupong opisyal kung saan mananalasa ang bagyong Lando.
Kung kaya ng pamahalaan na magkahanda sa bagyong Lando, dapat gawin ito lagi tuwing may inaasahang kalamidad sa bansa may papalapit na eleksyon man o wala.
Nawa’y hindi ningas kugon ang gobyerno at ang mga opisyal na bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.