Petron Lady Blaze Spikers sisimulan ang PSL Grand Prix title defense
Mga Laro Ngayon
(Alonte Sports Arena)
12 n.n. Opening Ceremony
1 p.m. Petron vs Cignal
3 p.m. Meralco vs Foton
IPAKIKITA ng Petron Lady Blaze Spikers ang kahandaan na maipagpatuloy ang dominasyon sa Phlippine SuperLiga sa pag-asinta ng unang panalo kontra Cignal HD Lady Spikers sa pagsisimula ng 2015 PSL Grand Prix ngayon sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
Ang laro ay magsisimula sa ganap na ala-1 ng hapon at nananalig si Petron coach George Pascua na lalabas ang hinahangaang tibay ng paglalaro mula sa mga inaasahang manlalaro para maging malinaw ang kanilang mensahe na handa sila sa tangkang pagdepensa sa hawak na titulo sa ligang inorganisa ng SportsCore.
“Ang advantage namin sa first game ay ang experience ng mga players ko sa Vietnam dahil walang nabago sa locals at ang dalawang imports namin ay nakasama na namin sa Asian Women’s Club Championship. Kumpleto ang tao ko at gagawin namin ang lahat para ma-defend ang title namin,” wika ni Pascua.
Magbabalik ang mahusay na si Erica Adachi at makikipagtambal sa gaya niyang Brazilian na si Rupia Inck para palakasin ang koponan na aasa rin sa mga locals tulad nina Dindin Manabat, Rachel Ann Daquis at Aby Marano.
“Kailangan lang na maipakita nila ang willingness at desire na manalo dahil nasa amin na ang lahat. Dapat ay sumunod lang sila sa aming game plan,” dagdag ni Pascua.
Ang Cignal ay aasa sa mga mahuhusay na US imports na sina Amanda Anderson at Ariel Usher para madiskaril agad ang kampanya ng Petron na nagtala ng 13-0 sweep sa All-Filipino Conference.
Masisilayan din ang pinalakas na Meralco Power Spikers sa pagharap sa Foton Tornadoes sa ikalawang laro dakong alas-3 ng hapon.
Si Cha Cruz ang mangunguna pa rin sa Power Spikers pero lumakas sila dahil maglalaro na sa koponan ang mga La Salle players tulad nina Mika Reyes at Kim Fajardo at ang didiskarte ay si Ramil de Jesus na may tatlong runner-up na pagtatapos sa liga.
“Wala namang pressure akong nararamdaman dahil ang ibang La Salle players ay nakasama ko rin sa UAAP. Kailangan lamang na magkasabay-sabay na maganda ang aming ipapakita,” wika ni Cruz na ang koponan ay pinalakas ng mga imports na sina Liis Kullerkann at Christina Alessi.
Sa ganap na alas-12 ng tanghali gagawin ang opening ceremony at ang guest of honor ay si FIVB executive council member Stav Jacobi bukod kay Biñan Mayor Len Alonte at PSL president Ramon “Tats” Suzara.
Kasabay ng pagbisita ni Jacobi ay ang inspeksyon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City at ilang magagarang hotel sa bansa dahil nagbabalak ang Pilipinas na dalhin ang World Women’s Club Championship sa 2016.
Ang Istanbul, Turkey ang siyang karibal ng Pilipinas sa hosting na kung saan walong pinakamahuhusay na club teams ang maglalaro sa kompetisyon na gagawin sa Oktubre.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.