KAILANGANG palakasin ang Gilas Pilipinas na nanalo ng pilak sa 2015 FIBA Asia Men’s Championship sa Changsha, China para magkaroon ng pagkakataon na makakuha ng upuan sa World Olympic Qualifying event sa Hulyo 2016.
Ito ang sinabi ng papaalis na pangulo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na si Manny V. Pangilinan na klinaro rin ang sinabi na hindi na magpapadala ng koponan sa huling qualifying event para sa Rio Olympics.
Sa pulong pambalitaan kahapon sa PLDT office sa Makati City, sinabi ni Pangilinan na nagpapakatotoo lamang siya sa tsansa ng Gilas team na naglaro sa China kung ito pa rin ang ilalaban sa World qualifying kung saan makakatunggali nito ang mga hinahangaang basketball teams tulad ng Serbia, Greece at France.
“Dapat intindihin na ang mga makakalaban natin sa July are strong basketball nations. Kung itong Gilas team ang ipadadala natin dapat ay i-manage ang expectations sa team. Realistically, the chance of this team is rather slim that is why reluctant ako,” wika ni Pangilinan.
Pero ang desisyon kung sasali ba o hindi ang Pilipinas sa World Qualifying ay hindi na poproblemahin ng businessman/sportsman dahil ito ay gagawin ng bagong SBP president na iluluklok sa susunod na taon.
Nagpulong ang SBP board kahapon at nagdesisyon na isagawa ang special meeting at election ng 13-man board, kasama ang mga opisyales ng NSA, sa Enero.
Kailangang gawin ito dahil ang termino ni MVP at iba pang opisyales ay napaso na noong Pebrero 25 pa base sa kanilang Konstitusyon at By-Laws.
Pero hindi agad nakapagsagawa ng halalan dahil naging abala ang SBP sa presentasyon para sa 2019 FIBA World Cup at ang paghahanda ng Gilas sa FIBA Asia Championship.
“We were just focused on these two very important national events for basketball at nakaligtaan na namin. I hope we could be forgiven for not minding the house. That is why soon after the Changsha event, we thought it best to call for a meeting and the board decided to call for a special meeting and election on January,” paliwanag pa ni MVP.
Hanggang dalawang termino lamang puwedeng umupo ang isang pangulo ng SBP pero makakasama pa rin si MVP sa mga pagtitipon kung tatanggapin ang Chairman Emeritus na bagong posisyon na itinatag ng board sa pagpupulong kahapon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.