MMDA Chair Tolentino nag-sorry; pangalan sa LP senatorial slate pinasisibak | Bandera

MMDA Chair Tolentino nag-sorry; pangalan sa LP senatorial slate pinasisibak

Dona Dominguez-Cargullo - October 07, 2015 - 11:07 AM

Humingi na ng paumanhin si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino hinggil sa insidente ng malaswang pagsasayaw ng grupong “Playgirls” sa event ng Liberal Party sa Laguna noong isang linggo.

Hindi man diretsong inamin ni Tolentino na siya ang nagbitbit ng mga babae sa pagtitipon na isinabay sa kaarawan ni Laguna Rep. Benjie Agarao, sinabi nito na meron siyang pagkakamali nang mabigo siyang pigilan ang pagtatanghal.

Siya umano ang pinakamataas na pinuno ng pamahalaan noon sa lugar nang maganap ang pagsayaw ng malaswa ng mga babae, pero hindi niya ito pinigil.

“Dahil ako ang pinakamataas na opisyal ng pamahalaan noon sa lugar, naging kamalian ko, at tinatanggap ko (ang aking kamalian) na hindi ko napigil ang performance,” sinabi ni Tolentino.

Partikular na humingi ng sorry si Tolentino sa grupo ng mga kababaihan, kay Agarao at sa kaniyang pamilya, sa mga residente sa Laguna, sa kaniyang ina na ayon kay Tolentino ay nasaktan din sa pangyayari, sa partido Liberal at kay LP standard bearer Mar Roxas.

Dahil dito, hiniling ni Tolentino sa LP na sibakin na ang pangalan niya sa listahan ng grupo na isasabak sa senatorial race sa darating na halalan.

“Ipinaaabot ko sa partido liberal na alisin na ang pangalan ko sa ikinukonsiderang line up sa pagka senador sa 2016,” dagdag pa ni Tolentino

Si Tolentino ay kabilang sa mga pangalan na napapabalitang kasama sa pinagpipilian ng LP para isama sa senatorial slate.

Hindi naman binanggit ni Tolentino kung itutuloy niya ang pagtakbong senador bilang isang independent candidate.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending