DAHIL sa magdamag na pag-ulan kaya’t kinansela ng pamunuan ng NCAA ang mga laro kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ang mga nakatakda sana na magtuos na Jose Rizal University at San Sebastian College, Emilio Aguinaldo College at Mapua, at University of Perpetual Help at Letran kahapon ay inilipat sa Huwebes na siyang huling araw ng paglalaro sa elimination round.
Ang aksyon ay magbabalik sa Martes sa triple-header games sa pagitan ng Mapua at College of St. Benilde, Arellano University at EAC, at Letran at San Beda.
Mainitan ang labanan sa huling dalawang araw ng elimination round dahil anim na koponan pa ang naghahabol para sa apat na puwesto na aabante sa semifinals.
Ang Letran at San Beda na may 12 panalo ay nangangailangan na lamang ng isa pa upang mahawakan ang twice-to-beat advantage sa Final Four habang ang mga magkakasalo sa ikatlo hanggang ikalimang puwesto na Perpetual Help, JRU at Arellano na may 11-6 karta, at host Mapua (10-6) ay humihinga pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.