JUST when almost everybody thought na tagilid na talaga ang katayuan ng Arellano Chiefs sa paghabol ng puwesto sa final Four ng 91st NCAA men’s basketball tournament, hayun at nakagawa ng hindi inaasahang milagro ang Chiefs!
Ginulpi nila ang nagtatanggol na kampeong San Beda Red Lions, 91-72, noong Huwebes upang mapatid ang two-game losing streak.
Aba’y sino ang mag-aakalang tatalunin nila ang Red Lions matapos na matapilok sila sa huling dalawang games nila?
Bago kasi ang tagumpay kontra sa San Beda, ang Arellano ay natalo sa rumaragasang Mapua Cardinals (81-76) noong Setyembre 18. Pagkatapos ay nadale rin sila ng nangungunang Letran Knights (87-81) noong Setyembre 25.
So, talagang nasa balag ng alanganin ang Chiefs.
Pero nang muli silang magharap ng Red Lions, aba’y kakaibang gilas ang kanilang ipinakita. At nakaulit nga sila sa Red Lions na tinalo nila, 88-84, noong Agosto 18.
Bunga ng panalo ay nakaakyat ulit sa ikatlong puwesto ang Chiefs katabla ng Jose Rizal University Heavy Bombers at University of Perpetual Help Altas sa record na 11-6. Ang maganda nito ay puwede pang mauna ang Chiefs sa 12 panalo dahil sa makakaharap nila ang EAC Generals sa Martes sa kanilang huling laro. Kung mangyayari iyon ay maililipat nila ang pressure sa Heavy Bombers at Altas na mangangailangan na maipanalo ang huling game nila upang makatabla.
Dapat sana ay mauunang maglaro ang Heavy Bombers at Altas pero ipinagpaliban ng NCAA management committee ang mga laro kahapon bunga ng bagyong Kabayan.
Bunga rin ng panalo kontra Red Lions, aba’y tumaas ng sobra ang morale ng Chiefs ni coach Jerry Codiñera. Biruin mong sila lang ang nakagawang talunin ang San Beda ng dalawang beses sa elims.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na na-sweep ng isang team ang Red Lions sa elims buhat noon pang panahon ni Sam Ekwe. Walang team na nakadalawang panalo sa Red Lions sa elims mula noon, e.
Kaya naman umaasa si Codiñera na makakapasok sa Final Four ang kanyang koponan kung saan kahit na sino pa ang makaharap nila ay hindi nila pangingilagan.
Sa totoo lang, puwede pa ngang magkagulo-gulo, e. Puwedeng tumabla pa ang Chiefs sa Red Lions kung matatalo ang mga ito sa Knights sa Huwebes.
Kung mangyayari iyon, puwedeng sumegunda ang Chiefs at magkaroon ng twice-to-beat advantage sa Final Four.
Biruin mong napakagulo pa ng scenario sa huling dalawang playdates ng elimination round ng torneo. Kahit ano ay puwede pang mangyari!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.