Hamon ni Jennylyn kay Sam: Handa ba siyang maging tatay ng anak ko?
“OO, sasama ako!” Ito ang sabi sa amin ni Jennylyn Mercado nang tanungin namin kung papayag siya sakaling yayain siyang mag-date ni Sam Milby ngayong natapos na nila ang pelikulang “PreNup” na ipalalabas na sa Okt. 14 nationwide.
Laging sinasabi ni Jennylyn na hindi naman daw nagsasalita si Sam o nagpaparamdam kaya maski anong tukso ang gawin sa kanya o sa kanila ng leading man niya “sa PreNup” ay walang ganap.
Pagkatapos ng presscon ng “PreNup” na idinirek ni Jun Lana under Regal Entertainment, sinabi namin kay Jennylyn na kaya hindi nagsasalita o nagpaparamdam si Sam ay dahil parati raw siyang may ka-text o may ka-viber.
Hindi naman ito itinanggi ni Jen, “Siyempre kukumustahin ang anak ko, everyday ‘yan facetime.” At isa pang dahilan ay baka raw si Dennis Trillo ang kausap ng aktres kaya at baka makaistorbo raw si Sam.
Nagulat si Jen dito, “Sinabi niya ‘yun? Hindi ko alam, hindi nga kami nakapag-usap (sa New York, USA), e, dito naman wala, never kong hinawakan itong cellphone ko, hindi naman siya nagsasalita.”
Ibig sabihin ng aktres nu’ng nagsu-shooting na sila dito sa Pilipinas ay wala na raw siyang masyadong kausap o ka-text, pero hindi pa rin daw nagsasalita ang aktor. Sa tanong namin kung may pag-asa si Sam kung sakaling ligawan siya ng aktor ay mabilis kaming sinagot ni Jennylyn ng, “Meron naman, mabait naman, (sabay astang kinilig).”
Kinikilig ba talaga siya kay Sam, “Hindi ba halata, pinagpapawisan nga ako, sobra. Heto nga, pawis na pawis ako sobra!” pag-amin ng aktres.
At ang balik tanong sa amin ng aktres, “Willing ba siyang maging tatay ng anak ko?” Na sinagot namin ng oo, dahil ang sabi ni Sam, wala raw kaso sa kanya kung may anak na ang babaeng gugustuhin niya.
“Totoo nga? E kasi nga, iyon ang iniisip ko palagi na pag ako nagmahal, iisipin ko lagi ang anak ko, kasi hindi lang naman akong mag-isa, dalawa kami,” paliwanag ng mama ni Alex Jazz.
Hirit naman nina katotong Rohn Romulo at Glen Regondola kay Jennylyn ay okay lang kay Sam ang package deal. Na-gulat si Jen sabay sabing, “Talaga ba? Talaga?”
Sabay sabi kay Jen ng mga katoto na huwag nang balikan si Dennis Trillo dahil tapos na ang chapter sa buhay nila at panibagong challenge naman daw si Sam. “Tingnan natin,” kinikilig na sagot ni Jen.
At inamin din ni Jennylyn na noong nasa Amerika sila ay sadyang hindi sila nakalabas ni Sam dahil walang sapat na oras, “Kung alam n’yo lang po, pagdating namin doon (NYC) puro trabaho at pagkatapos ng shoot, kanya-kanyang kuwarto ‘yan kasi bagsak kaming lahat sa hotel.
“Wala kaming pasyal kasi hanggang sa umalis kami ay nagsu-shooting pa rin kami, sabi ko nga, totoo pala ‘yung literal na trabaho tapos uwi, walang pasyal. Tapos tulung-tulong kami (production crew) kasi kami lang doon, limitado ang staff,” kuwento ng aktres.
Tinanong naman namin kung ano ang qualities na nagustuhan niya kay Sam, “Ano kasi si Sam, tahimik, pero makulit ‘yan lalo na kapag naumpisahan na niya, pero siyempre, parang kulang pa ‘yung 21 days na pagsasama namin para makilala ko talaga siya. Mas maganda siguro ‘yung sa likod ng camera na mas nakikilala mo talaga siya,” kuwento ng aktres.
Naku, sana mabasa ni Sam ang sagot na ito ni Jennylyn para naman maglaan na siya ng oras sa panliligaw sa kanyang leading lady sa “The PreNup.”
Kumusta naman ang kissing scene nila ni Sam, nabanggit kasi niya na masarap at maba-ngo raw ang aktor nu’ng kunan ang halikan nila. Masarap bang humalik si Sam? “Oo, oo (talaga), kasi ano, maalalay siya, maingat siya at pagkatapos nga ng…. (kissing scene) sabi niya, ‘okay lang ba, okay ka lang?’ Sobrang gentleman siya talaga,” sey ni Jen.
At panay din daw ang biruan ng dalawa sa set pero walang sekswal, “Ay wala naman, gusto ko pa rin ‘yung kumportable pa rin kami, wholesome lang,” mabilis na sagot ni Jennylyn.
Nagustuhan din ng aktres si Sam dahil walang bisyo, hindi naninigarilyo, hindi umiinom, “Iyon ang maganda kasi hindi rin ako nagyoyosi at umiinom. Salamat naman at na-appreciate niya ako maski sa maiksing panahon, e, naging maganda naman ang pagsasama namin.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.