KAMAKAILAN ay umani ng pagbatikos si Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, chair ng Senate Electoral Tribunal, dahil sa hindi inaasahang pagkiling nito sa disqualification case laban sa nais ma-ging pangulo ng bansa na si Senador Grace Poe dahil ito umano ay isang naturalized born Pilipino.
At dahil siya ay hindi natural born Pilipino, na isa sa pangunahing rekititos para sa isang indibidwal na nais maging pa-ngulo ng bansa, ay walang karapatan si Poe tumakbo.
Rewind.
Labing-isang taon na ang nakararaan, hinarang din ni Carpio ang pagtakbo noon ng hari ng pelikulang Pilipino na si Fernando Poe, Jr. Ayon kay Carpio at sa apat pang kasama niyang mahistrado, hindi ito maaring tumakbo dahil hindi rin siya natural born Pilipino dahil anak siya sa labas ng ama sa Amerikanang si Bessie Kelley. Naturalmente, kapag hindi kinilala ng ama, ang citizenship ng isang anak sa labas ay isusunod sa citizenship sa ina.
Ngunit mas pinaboran ng ibang mahistrado ng Korte Suprema si Da King. Ayon sa ponente na si Associate Justice Jose Vitug, bagamat anak sa labas ang yumaong Poe, ang lolo nito na si Lorenzo Pou, ay hindi nagdeklara o nanumpa ng katapatan sa Espanya kung kayat nakinabang ito sa “en masse Filipinization”.
Ibig sabihin, Pilipino nga ang kanunununuan ni Poe. Bukod pa sa itinanggi ng tiyahin ni Poe na hindi siya kinilala ng kanyang ama. Butata si Carpio.
Ano nga ba ang meron dito kay Carpio, at kung bakit ganito na lang ang pagtutol niya sa mga Poe na makatakbo sa pampangaluhan?
Ayaw nating bahiran ng pulitika ang posisyon ni Carpio sa kontrobersyal na kasong kinakaharap ngayon ng senadora.
Pero sabi nga ng matatanda, nahuhuli ang isda sa kanyang bibig. At sa bibig ni Carpio na mismo nanggaling na may paghuhusga na siya agad sa kaso ni Poe gayong hindi pa ganap na nadirinig ang kaso at nakikita ang mga ebidensiya.
Lalong nagkakulay pulitika ang kanyang mga pahayag nang ibandera ng kongresistang si Silvestro Bello III, na dati ring kalihim ng Department of Justice, ang koneksyon ni Carpio sa abogadong si Avelino “Nonong” Cruz na legal counsel ng presidential bet ng administrasyon na si Mar Roxas.
Si Cruz at Carpio ay kapwa founder ng kontrobersyal na The Firm, na ngayon ay CVCLAW Villaraza Cruz Marcelo and Angangco, na nagsulong ng kandidatura ni dating Pangulong Gloria Arroyo sa pagkapangulo noong 2004.
Paano ngayon maipaliliwanag nitong si Carpio na walang halong pulitika ang mga binitiwang pahayag?
Kahit sabihin ni Carpio na patas ang gagawin niyang pagsusuri sa kaso, malabong hindi siya pagdudahan dahil nga na “prejudged” na agad niya ito. Kahit ano pang gawin niyang pagtanggi, hindi na maiaalis na pagdudahan ang kanyang intensyon.
Lalo pang naiipit ngayon si Carpio dahil hindi lang ang mga mahuhusay sa batas ang kumukwestyon sa kanya.
Lumantad na rin ang dating social welfare undersecretary at dating chair ng Inter-Country Adoption Board na si Luwalhati “Lulu” Pablo para batikusin si Carpio sa umano’y walang pakundangan nitong pahayag laban sa mga foundling na gaya ni Poe.
Wika nga ni Pablo: “I have seen some low blows during elections, but this one is the unkindest cut of all. I cannot understand how a patent discrimination against children can be justified on constitutional grounds.”
Marami ang nagdududa kay Carpio. At sa isang pinagdududahang gaya niya, dapat nga sigurong magbitiw na siya sa grupong dumidinig sa kaso, sa ngalan ng delicadeza.
Sabi rin ni Bello: “Out of decency, he should inhibit himself. Whatever his decision, delibe-rately or not, it will be suspect because of his ties with the so-called Firm in the past.”
Anong meron si Carpio? Meron ba siyang delicadeza?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.