Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
2 p.m. La Salle vs UE
4 p.m. FEU vs Adamson
Team Standings: FEU (4-1); UST (4-1); Ateneo (3-2); NU (3-3); La Salle (2-2); UP (2-3); UE (2-3); Adamson (0-5)
SINANDALAN ng University of Santo Tomas ang maalab na paglalaro sa huling yugto para makabangon at ipalasap ang ikalawang kabiguan sa Ateneo de Manila University sa itinalang 68-58 panalo sa 78th UAAP men’s basketball tournament kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Si Kevin Ferrer ay tumapos taglay ang career-high 27 puntos, kasama ang 6-of-10 shooting sa 3-point line, at tatlong triples at 11 puntos ang ginawa niya sa huling yugto para maibangon ang Tigers mula sa 36-52 iskor sa ikatlong yugto.
Sina Ed Daquioag at Karim Abdul ay nagsalo pa sa siyam na puntos para wakasan ng Tigers ang aksyon bitbit ang 26-6 palitan at maisantabi ang pagkatalo sa National University tungo sa pagsalo sa pahingang Far Eastern University sa 4-1 baraha.
Nasayang ang magandang shooting ng Blue Eagles sa ikatlong yugto matapos ang 1-of-17 shooting sa huling yugto.
Si Von Pessumal na nanguna sa Blue Eagles sa 19 puntos, ang nakabuslo sa kanyang koponan habang si Kiefer Ravena na may 13 puntos, ay naisablay ang lahat ng siyam na attempts para matapos ang three-game winning streak tungo sa 3-2 baraha.
Nakumpleto naman ng nagdedepensang kampeong Bulldogs ang pagbangon mula sa 0-3 panimula nang kunin ang 68-52 panalo sa University of the Philippines sa unang laro.
Ito ang ika-11 sunod na panalo ng Bulldogs sa Maroons at nangyari ito nang naghatid ng apat na triples si Gelo Alolino sa ikalawang yugto para bigyan ang koponan ng 11 puntos na bentahe, 38-27.
Mula rito ay hindi na binitiwan ng NU ang kalamangan at nakatulong ang 22 rebounds at 12 puntos ni Alfred Aroga upang ipalasap sa Maroons ang pangatlong dikit na pagkatalo matapos ang limang asignatura.
Si Alolino ay mayroong 16 puntos habang si Jett Manuel ay may 16 din para sa natalong koponan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.