Mga Laro sa Sabado
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. UP vs NU
4 p.m. Ateneo vs UST
Team Standings: FEU (4-1); Ateneo (3-1); UST (3-1); UP (2-2); La Salle (2-2); UE (2-3); NU
(2-3); Adamson (0-5)
NAGBAGSAK si Mark Belo ng 24 puntos at siya ang nagpaningas sa malaking fourth quarter run tungo sa 92-81 panalo ng Far Eastern University sa University of the East sa 78th UAAP men’s basketball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
May 11 puntos ang beteranong forward sa huling yugto kasama ang dalawang triples na nagpasiklab sa 18-0 bomba upang manalo ang Tamaraws kahit naiwanan ng 12 puntos, 71-59, ng Red Warriors sa pagtatapos ng huling yugto.
Naghatid pa si Michael Tolomia ng 15 puntos at anim sa huling yugto habang sina Roger Pogoy at Alejandrino Inigo ay may pinagsamang 11 puntos upang wakasan ng Tamaraws ang labanan bitbit ang 33-10 palitan.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng tropa ni FEU coach Nash Racela para pansamantalang solohin ang liderato sa 4-1 karta.
“We can’t rely on late runs dahil delikado iyan. We have to play consistent defense for 40 minutes,” wika ni Racela.
Bumagsak ang Red Warriors sa pangalawang sunod na pagkatalo tungo sa 2-3 marka at ininda nila ang panlalalamig sa huling yugto para mawalan ng saysay ang pagdodomina sa naunang tatlong yugto.
Ang rookie na si Edison Batiller ay mayroong 18 puntos pero hindi na siya nakaiskor pa sa huling yugto at na-foul out pa upang mawalan ng pagkukunan ng puntos ang Red Warriors.
Nasungkit naman ng nagdedepensang kampeon National University ang ikalawang sunod na panalo sa pamamagitan ng 75-54 pangingibabaw sa Adamson University sa ikalawang laro.
Si Alfred Aroga ay mayroong 16 puntos habang tig-10 puntos ang pinakawalan nina Gelo Alolino at Ralph Tansingco para makasalo nila ang UE sa ikaanim at ikapitong puwesto.
“We had a hard time but good thing our bench stepped up for this game,” wika ni Bulldogs coach Eric Altamirano.
Ang mga off-the-bench players tulad ni Tansingco na sina Reden Celda, Adven Diputado at Dave Yu ay nagsanib sa 21 puntos at ang Bulldogs ay mayroong 35-30 bentahe sa Falcons.
Si Ivan Villanueva ay may11 puntos pero siya lamang ang nasa double digit para sa Falcons na hindi pa nananalo matapos ang limang laro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.