Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. Ateneo vs UE
4 p.m. NU vs UST
Team Standings: UST (3-0); UP (2-1); FEU (2-1); Ateneo (2-1); UE (2-1); La Salle (1-2); Adamson (0-3); NU (0-3)
MAGKIKITA ang nasa itaas at ibabang koponan ngayon sa pagtutuos ng University of Santo Tomas at National University sa 78th UAAP men’s basketball sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sasambulat ang laro dakong alas-4 at hanap ng Tigers ang palawigin sa apat ang pagpapanalo habang wakasan ang tatlong sunod na pagkatalo ang nais ng nagdedepensang kampeong Bulldogs.
Bagamat umaakyat na ang lebel ng laro ay patuloy ang kamalasan na inaabot ng NU nang kapusin sa Ateneo de Manila University sa 74-70 double overtime pagkatalo sa huling laro.
Nananalig si Bulldogs coach Eric Altamirano na hindi masisira ang loob ng kanyang mga alipores lalo pa’t maraming laro pa ang haharapin ng koponan.
Si Gelo Alolino, na naghahatid ng 19.3 puntos, ang magdadala uli sa NU pero kailangan nila ang mas epektibong diskarte galing kay Alfred Aroga para matapatan ang mga beterano ng UST na sina Ed Daquioag, Kevin Ferrer at Karim Abdul.
Bago ito ay rambulan para sa ikatlong sunod na tagumpay ang mangyayari sa pagitan ng Ateneo at University of the East sa ganap na alas-2 ng hapon.
Parehong may 2-1 karta ang Blue Eagles at Red Warriors at ang magwawagi ay uupo ng solo sa ikalawang puwesto na kasalukuyang pinagsasaluhan ng dapat na koponan kasama ang pahingang UP at FEU.
Si Kiefer Ravena ang mangunguna sa Eagles na gagamitin ang kanilang malawak na karanasan kontra sa Warriors na ang puhunan ay ang pagnanais ng mga baguhan na makagawa ng pangalan sa liga.
Pihadong handa uli ang rookie na si Edison Batiller na ipakita ang angking galing matapos maghatid ng 21 puntos, 4 steals, 3 rebounds at 3 assists average sa naunang tatlong laro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.