Isang babae ang nasawi habang 32 pa katao ang nasugatan nang sumabog ang improvised na bomba sa loob ng pampasaherong bus sa isang terminal sa Zamboanga City kahapon (Biyernes) ng hapon.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng nasawi, na isang babae na tinatayang nasa edad 20 pataas, sabi ni Chief Inspector Joel Tuttuh, tagapagsalita ng Zamboanga City Police.
Tatlumpu’t dalawa katao ang nasugatan sa pagsabog at isinugod sa iba-ibang ospital sa lungsod, sabi ni Tuttuh nang kapanayamin sa telepono.
Naganap ang pagsabog sa loob ng isang Biel Transit bus (body no. 1641) alas-2:15, habang ang sasakya’y nasa Labuan Terminal sa Calixto st., Morga Compound, Zone 1, sabi ni SPO2 Alex Mabalot, public information officer ng city police.
Kadarating lang ng bus mula Brgy. Labuan nang bigla itong sumabog, ani Mabalot.
“‘Yung pagsabog ay nagmula sa isa sa mga passenger seat, third from the driver. Totally wrecked ang bus. Hindi pa namin ma-determine kung anong type ‘yung sumabog, but it’s definitely an IED (improvised explosive device),” ani Tuttuh.
Nasa pinangyarihan pa ang mga elemento ng Explosives and Ordnance Disposal (EOD) team, Investigation and Detection Management, at Scene of the Crime Operatives habang isinusul;at ang istoryang ito.
Nagpadali rin ng mga kawani ng Bureau of Fire Protection dahil nagkaroon ng “minor conflagration,” ani Mabalot.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang nasa likod ng pambobomba kahapon, na nangyari ilang buwan lang matapos ang isa pang pambobomba malapit sa isa ring terminal ng bus sa lungsod noong Enero 23.
Matatandaan na dalawa katao ang nasawi at 52 pa ang nasugatan sa pambobomba noong Enero sa tabi ng isang disco bar sa Brgy. Guiwan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.