Joey pinatamaan ang Showtime
DEDMA lang si Joey de Leon sa mas tumitinding labanan sa pagitan ng Eat Bulaga at ng katapat nitong programa sa ABS-CBN na It’s Showtime.
Nakachika ng ilang miyembro ng entertainment media si Joey sa presscon ng bagong showbiz-oriented talkshow ng GMA na Celebri-TV kung saan makakasama rin sina Manay Lolit Solis at Ai Ai delas Alas. Ito ang kapalit ng Startalk.
Halos araw-araw ang pagiging top trending topic ng kalyeserye ng Eat Bulaga sa Twitter bukod pa sa patuloy na pagtaas ng rating nito na tinatalbugan pa nga ang mga programa sa primetime.
“Hindi namin pinapansin, ‘yan, e. Basta kami, sige nang sige. O, ang bilis. Yung sa amin, two million, sa kabila, hanapin mo na lang,” ani Joey habang binabasa ang Twitter comments ng hashtag ng Eat Bulaga noong Martes, Sept. 15.
Aminado si Joey na napakalaki ng nagawa nina Alden Richards at Maine Mendoza para mas lalong tumaas ang rating ng Eat Bulaga, bukod pa sa mas lalong pagdami ng commercial load ng show.
Kaya nga nagpasasalamat ang komedyante-TV host sa AlDub dahil sa mataas na rating na nakukuha ng Eat Bulaga araw-araw.
Sa record ng AGB Nielsen, ang Sept. 5 episode ng Eat Bulaga ang nakapagtala ng pinakamataas na TV rating para sa taong 2015 with 39.5%, sey ni Joey, “Uy, salamat.
Yung nangyaring panibagong ngiti mula sa Eat Bulaga, dahil du’n sa Kalyeserye. At ang iinterbyuhin ko, yung sarili ko, kasi ako lang yung makakasagot nu’n, e.”
Diretso ring sinabi ng komedyante na hindi na sila nagpapaapekto sa pressure ng ratings game o network war, “After 36 years, wala ka nang pressure, all pleasure na.”
Samantala, magsisimula na sa darating na Sabado after Wish Ko Lang ang kapalit ng Startalk na CelebriTV kasama nga sina Joey, Ai Ai at Manay Lolit with segment host Ricky Lo.
Inamin nina Joey at Manay Lolit na nalungkot din sila sa pagkawala ng Startalk after 20 years.
Sey nga ni Manay Lolit, “Malungkot. Hindi ko naman talaga inilusyon na maging host ako, pero ‘yung Startalk dumating noong panahon na kakatapos lang ng scam.
Durog na durog ako, and then in-offer ‘yung Startalk. Startalk talaga ang bumuo ulit sa akin. Ang sakit-sakit talaga, para akong namatayan.”
Sabi naman ni Joey, “Tama lang na alisin na ang Startalk dahil ilan na lang ang stars ngayon. I’m sorry to say, pero parang ganoon talaga. Kalat-kalat na kasi — may TV, social media, marami pang iba.
Wala nang makapag-prove na ‘I’m a star.’ Lahat ay celebrity na lang. Mga kilala, hindi na bituin.”
Paniniguro pa ni Manay Lolit, “This is going to be fun and different.
Imagine, magsasama sa isang show sina Joey at Ai Ai. Abangan rin nila ang gulo at tsismis na ihahandog ko.” Sa unang pasabog ng programa magkakaroon ng one on one interview si Joey sa dati nitong nakaalitan na si Willie Revillame at kung walang magiging problema, si Alden Richards naman ang makakasama ni Ai Ai sa kanyang “Ai Challenge You” segment.
Ang CelebriTV ng GMA ay sa direksyon ng gay comedian na si Phillip Lazaro.Habang sinusulat namin ang balitang ito, nabasa namin ang sunud-sunod na post ni Joey sa kanyang Twitter account na pinaniniwalaan ng marami na patama sa kalaban nilang show na Showtime.
Narito ang ilan: “Para sa atin, Show love and understanding pa more. Para sa iba, isip-isip pa more pag may time.#EatBulaga #ALDUBForTALKNTEXT @EatBulaga.”
“I HAVE TWO HANDS. THEY ARE THE SAME. THEY LOOK THE SAME, BUT ONE IS…RIGHT.”
“Film is Art. Theatre is Life. Television is Furniture—You can have another of the same!#ALDUB2ndMonthsary #EatBulaga.”
“The complete 2015 Cherie Gil version: You are nothing but a second low rating taeng hard capal cap!”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.