9 na construction worker na dinukot ng Abu nabawi
Nabawi ng mga tropa ng pamahalaan kahapon ng hapon ang siyam na construction worker na dinukot ng Abu Sayyaf sa Sumisip, Basilan, ilang oras matapos ang pagdukot, ayon sa militar kahapon.
Nkuha ng mga elemento ng Marine Battalion Landing Team 11 at Army 64th Infantry Battalion ang siyam sa liblib na bahagi ng Brgy. Kaumpamatsaken alas-4:40, sabi ni 1Lt. Sally Christine Magno, public affairs officer ng Armed Forces Joint Task Group Basilan.
“After six hours of continuous pursuit operations by the military troops, the Abu Sayyaf bandits led by sub-leader Juhaibel Alamsirul alias Abu Kik were pressured and forced to leave the kidnap victims to avoid being trapped by troops,” sabi ni Magno sa isang text message.
Matapos iyon ay dinala ang mga biktima sa headquarters ng 64th IB para sa pagsusuring medikal at debriefing, aniya.
Dinukot ng mga tagasunod ni Alamsirul ang mga biktima, pawang mga trabahador ng Mike Abubakar Construction and Engineering (MACE), matapos harangin ang trak na sinakyan ng mga ito sa Brgy. Upper Benembengan dakong alas-9 ng umaga Lunes, ayon sa pulisya.
Unang natangay ng mga bandido ang 11 trabahador, ngunit nakatakas ang dalawa, sabi ni Senior Insp. Daryl Vincent Bartolome, hepe ng Sumisip Police.
Patungo ang 11 sa tinatrabahong bahagi ng Basilan Circumferential Road nang sila’y dukutin, aniya.
– end –
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.