NANG sinusulat ko ang column na ito, alam kong pinagpipilitan ko ang isang isyu na maaaring wala na tayong magagawa dahil ang taong tinutukoy ay ayaw nang tumakbo sa pagka-pangulo, si Davao City Mayor Rodrigo “Rody” Duterte.
Pero milyon-milyong supporters ni Duterte ay hindi nawawalan ng pag-asa na magbabago siya ng isip at tatakbo pa rin sa 2016 elections sa pagka-presidente.
Si Duterte lamang ang pag-asa ng bansa upang maging disiplinado at umangat sa napaka-mise-rableng kalagayan.
Kailangan natin ng
disiplina.
At ang tanging paraan na maging disiplinado tayo ay isang lider gaya ni Lee Kuan Yew ng Singapore na pinaahon ang city-state sa kahirapan at napunta sa estado ng first world country.
Ang tanging lider na makagagaya kay Lee Kuan Yew ay si Rody Duterte dahil sa kanyang proven track record: Ang Davao City, sa ilalim ng kanyang pamamahala, ay mistulang walang krimen at naging napaka-maunlad dahil ang mga residente nito ay disiplinado.
Hindi ko na uulit-ulitin dito ang mga nagawa ni Duterte sa Davao City dahil magmumukhang makulit ako.
Ang ibang kandidato sa pagka-presidente sa 2016—sina newly resigned Interior Secretary Mar Roxas, Vice President Jojo Binay at Sen. Grace Poe—ay walang binatbat kay Duterte kung pamamahala ng bayan ang pag-uusapan.
Nang si Roxas ay secretary of Interior and Local government at chairman ng National Police Commission (Napolcom), hindi niya nadisiplina ang Philippine National Police (PNP).
Paano nating maaasahan si Roxas na makapagdisiplina ng buong bansa gayong di niya nadisiplina ang mga pulis?
Itong si Binay naman ay napaka-corrupt! Wala siyang ginawa noong siya’y mayor ng Makati City kundi nakawin ang pera ng taumbayan.
Paano madidisplina ni Binay ang bansa samantalang di niya mapigilan ang pangangati ng kanyang kamay?
At paano nating maaasahan si Poe na madisiplina ang bansa samantalang ipinagtanggol niya ang isang sekta na gumawa ng kaguluhan sa Edsa?
Ako ba’y nagpapanukala ng isang martial law-style na disiplina na gaya ng ginawa ni Ferdinand Marcos sa bansa mula 1972 hanggang 1986?
Ang sagot ko diyan ay oo — pero walang Imelda Marcos.
Nagmistulang crime-free ang bansa at nasa landas na tayo patungong first world status ng unang dalawang taon ng martial law.
Ang pagiging ganid sa kapangyarihan ni Imelda, na hindi mapigilan ng kanyang esposong si Ferdinand, ang naging dahilan kung bakit hindi naging matagumpay ang martial law ni Marcos.
Hawak sa leeg ni Imelda si Marcos dahil nahuli niya itong nagkaroon ng love affair sa Hollywood actress na si Dovie Beams.
Nahawa rin si Marcos sa pagiging ganid sa kapangyarihan at pera ni Imelda at naging malupit na lider ito ng bansa.
Kahit na si Duterte ay sertipikadong babaero, wala siyang Imelda na makakapagdikta at makakahawa sa kanya.
qqq
Journalist na po ang inyong lingkod noong martial law at nakita ko ang ilang pagbabago ng mga tao.
Ang paglilinya ng mga tao para sumakay ng bus, taxi o jeepney ay nagsimula noong martial law.
Bago ang martial law, nagtutulakan ang mga tao sa pagsampa sa sasakyang pampasahero.
Walang malalaking krimen noong first two years of martial law matapos ang public execution sa pamamagitan ng firing squad ni Lim Seng, isang Tsinong drug lord.
Takot ang namayani sa mga masasamang-loob dahil sa pagpatay kay Lim Seng sa Fort Bonifacio na nakita ng maraming tao.
Pero bumalik ang mga krimen nang tinigil ni Marcos ang execution ng mga pusakal na kriminal dahil sa pressure sa ibang bansa, lalong-lalo na sa America .
Kahit na matatag na lider si Marcos, natinag siya sa pressure ng ibang bansa.
Kung magiging Pangulo si Rody Duterte, hindi siya matitinag sa pressure sa ibang bansa kapag alam niyang nasa tama siya.
Sasabihin niyang “wala kayong pakialam” dahil ang bansang Pilipinas ay may sariling paninindigan o sovereignty.
Hindi siya nagbago ng pagtrato niya sa mga pusakal na kriminal kahit na maraming bumabatikos sa kanya na mga human rights groups.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.