Palaro standout naka-3 gold sa PNG Mindanao leg
NAPAGTAGUMPAYAN ni Palarong Pambansa standout Efrelyn Democer ang inasintang tatlong ginto habang nagpasikat din ang mga tracksters ng Zamboanga del Sur Sports Academy sa pagpapatuloy ng 2015 Philippine National Games (PNG) Mindanao Leg kahapon sa Pagadian Track Oval sa Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Ang 16-anyos na tubong Looc, Plaridel sa Misamis Occidental ay nagwagi sa paboritong javelin throw sa junior girls sa 41.05m marka para masundan ang mga naunang panalo sa shot put (8.40m) at discus throw (27.12m).
Ang marka sa javelin ay mababa nang kaunti sa kanyang Palaro record na 42.34m pero hindi maikakaila na malayo siya sa mga katunggali dahil ang pumangalawa at pumangatlo na sina Cristine Duma-Og ng San Pablo, Zamboanga del Sur at Crissa Pascual ng Basilan ay may 29.80m at 26.95m marka lamang.
“Gusto ko sana na higitan ang record ko sa Palaro pero masaya ako dahil nanalo ako ng tatlong ginto. Hindi ko rin inaasahan ito dahil malalakas ang kalaban ko sa shot put at discus throw,” wika ni Democer na isang Grade 10 mag-aaral ng Looc National High School.
Ipinakita naman ng mga miyembro ng Zamboanga del Sur Sports Academy ang bangis nang manalo sila ng pitong gintong medalya sa event na ito sa palarong inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pakikipagtulungan ng Philippine Olympic Committee (POC) at suportado ng Zamboanga del Sur at Pagadian City local governments.
Sina Rennie Rodrigo at Jackielou Enojada ay nakadalawa na at si Rodrigo ay kampeon sa 5000m (17:54.6) at 10,000m (38:59.6) junior men habang si Enojada ay wagi sa junior women 400m hurdles (1:16.5) at 200m (29.1).
Sina Mark Anthony Aparri at Glen Jayson Sapar ay kampeon sa boys 800m (2:14.3) at 400m hurdles (1:01.9) at wagi rin ang 4x100m junior women relay.
Nadagdagan pa ng isang ginto ang Davao City sa chess na ginagawa sa Pagadian Government Center nang si Cyndy Martinez ang magwagi sa women’s 960 event habang ang Lanao del Norte ang humataw sa arnis anyo nang nakasungkit ng apat na ginto at maisantabi ang laban ng Zamboanga del Sur at Iligan City na may tig-dalawang ginto.
Kumubra ng tatlong ginto si Shariffa Ianie Estino sa 15-17 female intermediate at advance kata at kumite para para pangunahan ang mga karatekas ng Zamboanga City na kumubra ng 17 ginto buhat sa 36 events ng karatedo.
Sa kabilang banda, ang Davao ang lumabas bilang pinakamahusay sa taekwondo nang magkaroon ng pitong ginto at isang pilak.
May pitong ginto rin ang Iligan City pero wala silang pilak para pumangalawa lamang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.