Mag-asawa patay matapos pagbabarilin sa harap ng chapel ng Pangasinan
PATAY ang mag-asawa matapos pagbabarilin ng nag-iisang salarin sa harap ng isang kapilya sa Urbiztondo, Pangasinan kahapon, ayon sa pulisya.
Pababa ng kanilang tricycle ang mga biktimang sina Arturo at Delia Pinto, ng Barangay Malayo nang sila ay atakihin ng suspek ganap na alas-7 ng umaga, ayon kay Chief Insp. Wilfredo Cabanayan, Urbiztondo police chief.
Dadalo sana sila ng misa nang mangyari ang pamamaril.
Dead on the spot si Arturo matapos barilin habang nakasakay pa ng kanyang minamanehong tricycle, samantalang binaril naman si Delia habang papatakas papunta ng kapilya.
Idinagdag ni Cabanayan na nasawi si Delia habang dinadala sa ospital, bagamat napangalanan niya ang suspek bago pa siya nalagutan ng hininga.
Naaresto si Tyron Velasquez sa kanyang bahay sa barangay Dalanguiring, Urbiztondo.
Sinabi ni Cabanayan na maaaring sigalot sa lupa ang naging motibo sa pagpatay sa mag-asawa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.