Tunay na buhay ni Alden Richards mapapanood sa magpakailanman
Ervin Santiago - Bandera September 11, 2015 - 06:14 PM
ISA si Alden Richards sa mahuhusay na mga aktor ng kanyang henerasyon, kaya naman hindi nakapagtataka ang magandang takbo ng kaniyang career.
Isang ngiti at konting kaway lang niya ay tumitili na ang buong sambayanan. “Pambansang dimples” at “Pambansang Bae” ang bansag sa kanya ng lahat. Malapit sa puso ni Yaya Dub. Isa sa dahilan kung bakit patok at laging trending ang tambalang #AlDub. Ngunit sa likod ng kaniyang bawat ngiti, ano ang kuwentong nakukubli? Ngayong Sabado ibabahaging muli ng Magpakailanman ang tunay na kuwento ng buhay ni Richard Faulkerson, Jr. – na mas kilala na ngayon bilang Alden Richards. Mula pagkabata ay minumulat na ni Rosario Faulkerson, ina ni Alden, ang anak sa mundo ng showbiz. Sa pagtanda ni Alden, makikita na rin nito na bukod sa pag-aartista ay gusto niyang makapagtapos ng pag-aaral, bagay na ikinatutuwa ng kaniyang ama na si Richard Faulkerson, Sr. Magbabago lang ang takbo ng isip ni Alden nang malaman na may malalang sakit ang ina. Hihimukin ni Alden ang ina na magpakatatag at lumaban, na kaya pa nitong mabuhay. Sasabihin naman ng ina niya na gagawin niya ‘yun kung maibibigay ni Alden ang tangi niyang hiling—ang makita ang anak na isang ganap na artista. Subalit sa paglipas ng panahon ay magiging mailap kay Alden ang pangarap ng ina at habang tumatagal ay humihina rin si Rosario. At sa pagpanaw ng kanyang ina, ay hindi pinang hinaan ng loob si Alden at lalo siyang nagpursige upang makamit ang kanilang mga pangarap. Mula 2010, napakarami na ang nabago sa kanyang buhay. Kinilala na natin noon bilang isang mahusay na actor at performer, minahal sa mga teleserye gaya ng Alakdana, One True love, Mundo Mo’y Akin, Carmela, Ilustrado at ngayon naman, sa pinag-uusapang Kalye Serye ng Eat Bulaga. Nakapag-record na rin sya ng bagong album sa GMA Records, kung saan ang single nito na “Wish I May” ay nag-number 1 agad sa iTunes. Sa katauhan ni Alden Richards, ating masasaksihan na kung buo ang ating loob at may kalakip na pananalig sa Diyos, tiyak na matutupad ang pinakamimithing mga pangarap…sa tamang panahon! Makakasama niya sina Jackilou Blanco at Mark Gil, kasama si Louise delos Reyes. Mula sa direksyon ni Ms. Gina Alajar, huwag palampasin ang Magpakailanman ngayong Sabado pagkatapos ng Pepito Manaloto, Ang Tunay na Kuwento sa GMA.Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending