BIGO ang Iglesia Ni Cristo sa kanilang kahilingan na magbitiw o sibakin sa pwesto si Justice Secretary Leila De Lima.
Ito ay sa kabila ng sustenido at malawakang kilos-protesta ang inilunsad ng kasapian ng INC na tumagal ng apat na araw.
Nakatindig pa rin ang kalihim ng DOJ at nangakong hindi magbibitiw sa kanyang tungkulin.
Libu-libo ang dumalo sa kilos-protesta sa Metro Manila, at maging sa Cebu, Davao, Bohol, Bacolod ay nagsagawa rin ng mga pagkilos.
Bukod sa kahilingang sibakin sa pwesto si De lima, ipinunto rin ng Iglesia ang lantaran umanong pakikialam ng pamahalaan sa internal affairs o problemang pang-loob ng simbahan.
Hirit nila na kailangang igalang ng gobyerno ang doktrinang tinatawag na separation of church and state.
Nagsimula ang galit ng INC nang sabihin ng DOJ na magsasagawa ito ng imbestigasyon kaugnay sa reklamong isinampa ng dating ministro nito na si Isaias Samson Jr. laban sa mga opisyal ng Sanggunian, ang pinakamataas na administrative body ng INC.
Ang reklamong inihain ni Samson ay harassment, illegal detention, coercion at grave threat laban kina Glicerio Santos Jr., Radel Cortez, Bienvenido Santiago Sr., Mathusalem Pareja, Rolando Esguerra, Erano Codera, Rodelio Cabrera at Ma- ximo Buluran Jr.
Pero wasto ba ang sinasabi ng INC na pakikialam ng estado ang sa kanilang mga gawain ang gagawing imbestigasyon ng DOJ?
Pakikialam nga ba ang ginawa ni De Lima nang iutos niya ang imbestigasyon base sa reklamo ng isang indibidwal na sa kanyang tingin ay nagawan ng hindi tama at labag sa kanyang karapatana bilang tao?
Ang paninindigan ni De Lima, na hindi siya magbitiw ay wasto. Hindi maaring harangan nino man, gaano man ito kaimpluwesiya o kalakas kung ang natatanging dahilan lang naman ay maipatupad nang tama ang batas.
Mismong si Sen. Koko Pimentel, isang bar topnotcher ang nagsasabing ang imbestigasyon ng DOJ base sa criminal complaints ni Samson laban sa mga pinuno ng INC ay hindi pag-atake sa kanilang simbahan at walang kaugnayan sa usapin tungkol sa relihiyon.
Simple lang. Usapin ito ng batas.
Hindi kailangang panghimasukan ng INC ang ginagawang imbestigasyon ng DOJ.
Higit na magiging maayos kung sa simula pa lang ay pinaghandaan na nila ang kaso at atakihin ang bawat akusasyon at argumentong ibabato sa kanila sa tamang forum.
Tama si De Lima sa di niya pagbibitiw kung ito ay base lang sa panawagan ng isang maimpluwensiyang sekta.
Dapat lang na panindigan ni De Lima ang kanyang trabaho; i-tuloy ang imbestigasyon sa reklamo ni Samson.
Sakabilang banda, dapat ding bigyang prayoridad ng kalihim ang mas higit na malalaking kaso nang sa ganon ay hindi na maulit pa ang mga panawagan sa kanyang pagbibitiw.
At kung tinapos man ng INC ang kanilang pag-aalburoto dahil sa nakakuha sila ng deal o pabor sa pamahalaang Aquino, mapapatunayan natin ito sa mga susunod na araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.