HINDI natin alam kung may espasyo pa sa lineup ng San Miguel Beer upang mailagay ang dalawang manlalarong napili ni coach Leovino Austria sa nakaraang 2015 PBA Rookie Draft.
Walang picks ang Beermen sa first at second rounds ng Draft dahil sa naipamigay na nila ito noong mga nakaraang season. Kaya naman sa third round ang nagsimulang mamili si Austria.
Kinuha niya sa tenth pick ng third round si Michael Mabulac, isang power forward na naglaro sa Jose Rizal University Heavy Bombers sa NCAA bago naglaro sa Cagayan Valley Rising Suns sa PBA D-League. Sa fourth round ay kinuha ng Beermen ang guwardiyang si Andretti Stevens na kasalukuyang naglalaro sa Mapua Cardinals.
Hindi naman natin masasabing walang pag-asang mapapirma ang sinuman sa dalawang ito. Hindi naman sasayangin ni Austria ang kanyang mga Draft picks kung hindi niya kailangan ang karagdagang manlalaro.
Kung sakaling walang opening sa lineup ng San Miguel Beer, puwede namang maging practice players muna ang mga ito para masanay sa sistema ng Beermen. At kung magkaroon ng opening sa anumang bahagi ng 41st PBA season na magsisimula sa Oktubre 18, pwedeng ipasok ang mga ito.
Kumbaga’y magiging understudies sila at kailangang nakahanda silang palitan ang sinuman sakaling magkaroon ng problema sa kalusugan o iba pa.
Sa totoo lang, si Mabulac ay isang manlalarong maituturing na hardworker. Hindi siya kailan man naging star player noon siyang naglalaro sa JRU o sa Cagayan Valley. Pero kung tatanungin ang kanyang mga naging coaches, wala namang masamang masasabi sina Vergel Meneses at Alvin Pua sa kanya.
Undersized siya kung sentro ang palalaruin sa kanya. Pero hindi naman siya umaatras sa laban. Palagi siyang makikipagsabayan kahit sa mas malalaki sa kanya. Isa siya sa dahilan kung bakit nakaabot sa Finals ng PBA D-League ang Rising Suns.
Si Stevens naman ay nagbabalik buhat sa isang taong pagkawala sa NCAA. Natuwa nga si MIT coach Fortunato Co, Jr. dahil sa nabigyan niya ng katatagan ang backcourt ng Cardinals.
Ang problema lang dito ay ang pangyayaring maraming guwardiya ang San Miguel Beer. Nandiyan sina Alex Cabagnot at Chris Ross na siyang nagsasalitan sa puwesto. Alinman sa dalawang ito ay kayang dalhin ng maayos ang plays ni Austria.
Idagdag pa ito ang pangyayaring kinuha ng San Miguel Beer buhat sa Blackwater si Brian Heruela kapalit ni Jeric Fortuna.
Kung magugunita, si Heruela ang siyang leader sa assists hindi lang ng Blackwater kundi ng liga noong nakaraang season. Ito ay sa kabila ng kanyang pagiging isang rookie. Hindi nga lang rumerehistro nang maigi sa consciousness ng lahat ang nagagawa ni Heruela dahil sa nangulelat ang Blackwater sa tatlong conferences na nilahukan nito.
Kaya naman sinasabing nakapag-upgrade ang San Miguel Beer sa backcourt nito. Hindi na masyadong mahihirapan sina Cabagnot at Ross.
At ang maganda pa rito ay makakasama ni Heruela si June Mar Fajardo. Silang dalawa ay magkakampi noong nasa kolehiyo sila kaya kabisado na nila ang isa’t isa.
So, kung nadagdag si Heruela sa San Miguel Beer, malamang na matagal ang hihintayin ni Stevens para maging bahagi ng official lineup ng Beermen.
Pero may tsansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.