DAPAT lansagin na ang National Police Commission (Napolcom), ang tagapamahala ng Philippine National Police (PNP), dahil ito’y inutil na ahensya ng gobyerno.
Hindi napatino ng Napolcom ang PNP na punong-puno ng abusado at korap na miyembro.
Ang Napolcom—na kinabibilangan ng dalawang commissioners, deputy chairman at chairman—ay hindi nakapagpasa ng mga alituntunin na maitataas ang antas ng PNP upang mapabilang sa hanay ng mga magaga-ling na police organization sa ibang bansa.
Ang Napolcom chairman ngayon ay si Interior and Local Government Secretary Mar Roxas.
Kumpara sa yumaong Napolcom chairman na si dating DILG Secretary Jesse Robredo, walang binatbat itong si Roxas.
(Ang DILG Secretary kasi ay automatic na chairman ng Napolcom. Pero hindi diretso ang supervisory power ng DILG Secretary sa PNP at kailangan pang dumaan ito sa Napolcom).
Ang mga reklamo laban sa mga pulis ay hinahawakan ng Napolcom at ng ibang ahensiya.
Personal na inaasikaso ni Robredo ang mga reklamo laban sa mga abusadong pulis. Siya’y madaling lapitan ng mga ordinaryong mamamayan.
Kung gaano kadaling lapitan si Robredo ganoon kahirap abutin si Roxas.
Ang aking public service program na “Isumbong mo kay Tulfo” ay ibig makipag-ugnayan kay Roxas upang mapag-usapan ang mga naantalang mga kaso laban sa mga pulis na aming isinampa sa Napolcom para sa mga sibilyan na inagrabyado.
Pinadala lang ni Roxas ang kanyang mga tauhan upang makipag-usap sa akin at sa aking mga staff.
Wala namang nangyari sa pag-uusap namin. Hiningi namin na sana ay madaliin ng Napolcom ang desisyon sa kaso.
Masyado kasing babad sa ibang problema si Ro- xas gaya ng pakikipagba- ngayan niya sa pinatalsik na PNP chief Alan Purisima kaya’t di na niya pinagtutuunan ng pansin ang mga reklamo laban sa mga abusadong pulis.
Pero ang pinakamasagwang ginagawa ng Napolcom ay ang pagpapabalik ng mga pulis na nadismis.
Kaya pala mabagal ang pagbibigay desisyon nila sa kaso upang makalimutan na ng nagrereklamo o mawalan na ng interest at saka ibabalik nila sa serbisyo ang tiwaling pulis.
Wala akong pruweba, pero nakaabot sa aking kaalaman na naglalagay ang mga pulis na tiniwalag sa mga taga-Napolcom upang sila’y maibalik sa serbisyo.
Bakit hindi natutukoy ni P-Noy at Mar Roxas ang corruption sa Napolcom, tanong ng aking kapwa kolumnista na si Rick Ramos na isang strong advocate ng good government.
Bakit nga ba?
Dahil masyadong sumasandal si Roxas kay Ed Escueta, ang vice chairman at executive officer ng Napolcom.
Ang ginagawa lang ni Escueta ay maging rah-rah boy ni Roxas.
Nagtanong-tanong ako tungkol kay Escueta. Nakatira siya sa Azucena St. sa Tahanan Village sa Parañaque sa dalawang lote. May anim siyang sasakyan.
Gaya ni Roxas ayaw ni Escueta ng pakikipagpanayam sa media.
Isa sa mga isyu kay Roxas, na tatakbo sa pagka-Pangulo sa 2016, ay ang high crime rate at walang disiplinang mga pulis.
Kung hindi niya napatigil ang pagtaas ng kriminalidad at napatino ang PNP, paano niya mapapatino ang napaka-corrupt na gobyerno kapag siya’y naging Pangulo?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.