Charo Santos napiling maging Gala Chair sa 43rd Emmy Awards
Si ABS-CBN president, chief executive officer, at chief content officer Charo Santos-Concio ang magsisilbing Gala Chair sa ika-43 International Emmy® Awards na gaganapin sa darating na Nob. 23, sa New York City.
Ito ang inanunsyo ng prestihiyosong International Academy of Television Arts & Sciences.
Pamumunuan ni Ms. Charo ang Gala, kung saan kikilalanin ng International Academy ang programming sa sampung program categories at gagawaran ng Special Awards sina Julian Fellowes, ang creator at writer ng Downton Abbey (Founders Award) at Richard Plepler, ang Chairman at CEO ng HBO (Directorate Award). Ang awards ceremony ay pangungunahan ng Egyptian satirist na si Bassem Youssef, ang dating host ng popular na TV show na Al-Bernameg (The Program) bilang host.
“Ms. Charo Santos-Concio is an internationally respected broadcast producer and executive who has spearheaded the growth of her organization to a leading position in the Philippines and the region beyond,” ani Bruce Paisner, President at CEO ng International Academy of Television Arts & Sciences.
“We are delighted to have her Chair our 2015 International Emmy Awards Gala.”
Sabi naman ni Ms. Charo, “Nagbabago na ang paraan ng panonood ng mga tao sa lahat ng panig ng mundo, ngunit sa kabila nito ay hindi nagbabago ang sigasig ng creators na gumawa ng mga mahusay at makabuluhang palabas sa iba’t ibang platforms na tumatatak sa mga tao.
“Ito ang ipinagdiriwang ng International Emmy Awards kada taon. Ikinararangal kong pangunahan bilang chair ang Gala na pagtatagpuin ang mga pambihirang indibidwal na ito mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo at kilalanin ang kanilang galing at tagumpay,” aniya pa.
Itinalaga bilang President ng ABS-CBN si Charo Santos noong 2008 at bilang Chief Executive Officer noong Enero 2013. At noong 2014, nagwagi siya ng Gold Stevie Awards sa prestihiyosong Stevie Awards for Women in Business at sa Asia Pacific Stevie Awards.
Pinangalanan din siyang Asian Media Woman of the Year ng ContentAsia, isang nangungunang publication na pinagkukunan ng mahahalagang imporma- syon tungkol sa entertainment media industry sa buong Asia-Pacific.
Sa TV, napapanood pa rin siya bilang host ng longest-running drama anthology sa Pilipinas na Maalaala Mo Kaya. Nag-umpisa siya sa industriya bilang aktres at nanalong Best Actress sa 1977 Asian Film Festival para sa kanyang pagganap sa pelikulang “Itim.” Ang nominees sa 2015 International Emmy® Nominees ay iaanunsyo sa Oct. 5. Kasama sa sponsors ngayong taon ang Dori Media, Ernst & Young, Globo, Mipcom, Phoenix Satellite Television, Semba, Sofitel at Variety.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.