Leyte Sports Academy, Aklan, Romblon nagpasikat sa Batang Pinoy Visayas leg
LUMUTANG ang galing ng mga manlalaro ng Leyte Sports Academy sa athletics, nagtampisaw sa tubig ang manlalangoy ng Aklan habang sumipa ng ginto ang futsal team ng host Romblon sa idinadaos na 2015 Batang Pinoy Visayas Leg sa iba’t ibang palaruan sa Romblon, Romblon.
Sina Nino Azores, Lealyn Sanita at Lenlyn Sanita ay nagsalo sa siyam sa 10 ginto na napanalunan ng koponan mula Tacloban para maisantabi ang hamong ibinigay ng Negros 1st, Negros Occidental na may walong ginto sa athletics na ginawa sa Romblon National High School.
Apat na ginto ang inangkin ni Lealyn sa girls’ 3,000m (12:40.7) at 1,500m (12:05.28) sa individual events at sa 4x100m relay (55.3) at 4x400m relay (4:23.4) events.
Si Azores ay kampeon sa boys’ long jump (6.02m) at 100m (11.8) bukod sa 4x100m relay (50.0) at 4x400m relay (4:01.1) habang si Lenlyn ay kampeon sa girls’ 100m hurdles (17.5). Ang pang-sampung ginto ay ibinigay ni Aldrin Hermosilla sa boys’ 800m (2:13.7).
Sina Trexie Dela Torre, Joycie Beranio at Bernalyn Bejoy ay may tig-dalawang ginto para sa Negros sa palarong inorganisa ng Philippine Sports Commission katuwang ang Philippine Olympic Committee at may ayuda ni Romblon Mayor Gerard S. Montojo.
Ang PSA awardee at multi-titled swimmer na si Kyla Soguilon at Lucio Cuyong II ay lumangoy ng tig-limang ginto para balikatin ang galing ng Aklan sa swimming na pinaglabanan sa Ramon Magsaysay Park.
May 15 ginto ang hinakot ng Aklan at si Soguilon ay kampeon sa girls’ 12-under 50m breaststroke (40.01), 50m butterfly (32.97), 100m backstroke (1:21.36), 50m backstroke (38.57) at 50m freestyle (32.24) habang si Cuyong ay nagwagi sa boys’ 12-under 50m breaststroke (40.25), 50m freestyle (34.22), 100m breaststroke (1:36.67), 200m breaststroke (3:24.74) at 200m Individual Medley (3:17.87).
Kinapos ng isang ginto para sa ikalawang puwesto ang Iloilo (14 ginto) at nanguna sa delegasyon sina Earl Jonathan Dublas at Juliana Therese Lee na may tig-limang ginto sa boys’ at girls’ 13-15 division.
Hindi naman nagpadaig ang host Romblon na nagkaroon ng malaking selebrasyon nang tinalo ang Barotac Nuevo, Iloilo, 5-2, sa boys’ futsal gold na ginawa sa Romblon Public Plaza.
Si Jayvan Calayag ay mayroong dalawang goal sa nasabing laban at kinilala rin bilang Most Valuable Player ng torneo.
Tatlong koponan lamang ang naglaban at nagharap ang Romblon at Barotac nang tinalo nila ang Malay, Aklan, 5-2 at 6-4, ayon sa pagkakasunod.
Mahigit 700 atleta lamang ang bilang ng mga sumali dahil naapektuhan ang torneo ng bagyong Ineng.
Para masulit ang pagdalo ng mga batang manlalaro na edad 15 pababa ay nagdaos ng mga clinic ang ilang sports disciplines para madagdagan ang kanilang mga kaalaman.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.