Lea, Bamboo, Sarah handang-handa na sa live showdown ng Voice Kids 2
EXCITED, masaya at mukhang handang-handa na ang tinanghal na top 6 para sa semi-finals ng The Voice Kids Season 2 nang humarap ang mga ito sa presscon na ginanap sa Cocoon Hotel noong Miyerkules.
Ayon sa coaches ng mga bagets na sina Lea Salonga, Bamboo at Sarah Geronimo iba’t ibang paraan ang ginagawa nila para ma-prepare ang kanilang mga alaga sa live showdown na magsisimula na bukas ng gabi.
Isa-isang nagkwento ang mga coach kung paano nila tinutukan ngayon ang pagte-train sa mga bata. Ayon kasi sa apat na coach, ang pag pili ngayon sa TVK Final Four ay purely text votes, at dahil dito maaaring umabante sa grand finals ang isang buong team.
“Isa lang ang magagawa namin bilang coach eh, yung i-coach sila. Na lahat ng magiging performance nila ay pulido at sila’y handang i-harap sa resorts world saka sa mga manonood,” sabi ni coach Lea. “It’s the voice of the people at this point and the only thing we can do is to prepare them as best as we can.”
Ang mga pinakabatang chikiting ang bumubuo sa Team Lea na sina Reynan Del-anay at Esang De Torres.
“But I believe they will be up to the challenge of live shows. Magaling silang magkwento at malalaki at malalakas ang kanilang puso,” pahayag pa ni coach Lea.
Mental preparation naman ang ginagawa ni coach Bamboo for Team Kawayan na sina Elha Nympha at Sassa Dagdag, “This coming weeks has been hectic for [the kids]. Just this morning, we woke up at 6:30 a.m.. We have to prepare stuff, we have to be disciplined.”
Para kay Sarah, lagi niyang sinasabi sa kanyang mga alaga na ang pinaka importante sa lahat ay ang growth na makukuha nila sa contest. “Nandu’n na sila eh, nandu’n na yung experience on national TV.
Si Kyle first time nag-join ng national singing competition, at sa The Voice Kids pa. Si Zephanie, nakalimang singing competion na yata. Ituloy-tuloy lang po kung ano yung naumpisahan nila at doon sila mananalo,” anang Pop Princess.
Isa rin nga sa paghahandang ito ay ang pagpili ng kanta. Sabi ng coaches, ang pumipili ng kanta ay ang mga bata at ang management. Sila naman ang nagtitimbang kung babagay ba ang kanta sa mga bata.
Dagdag pa ng mga coach, dahil nakailang season na sila ay may mga kanta na hindi nila pwedeng ulitin lalo na kapag ginawa na ito last season o di kaya’y nag-hit na.
Siguradong mahihirapan ang madlang pipol sa pagpili kung sino kina Esang, Reynan, Elha, Sassa, Zephanie at Kyle ang dapat umusad sa huling showdown ng The Voice Kids 2 na napapanood tuwing Sabado, 6:45 p.m. at Linggo, 7 p.m. sa ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.