Kuta ng Abu Sayyaf sinalakay ng AFP; 3 patay, 7 sugatan
Dalawang kasapi ng Abu Sayyaf at isang sundalo ang nasawi habang pito pa ang nasugatan nang makasagupa ng mga tropa ng pamahalaan ang isang malaking grupo ng mga bandido sa Sumisip, Basilan, kahapon (Miyerkules), ayon sa militar.
Nakasagupa ng mga elemento ng Armed Forces Joint Task Group-Basilan ang aabot sa 60 kasapi ng Abu Sayyaf habang nagsasagawa ng combat operation dakong alas-11 ng umaga sa Brgy. Baiwas, sabi ni Lt. Sally Christine Magno, public affairs officer ng task group.
“The encounter transpired on an identified stronghold of the Abu Sayyaf,” sabi ni Magno sa isang text message.
Isa ang nasawi at isa ang nasugatan sa hanay ng mga kawal habang dalawa ang napaulat na nasawi at anim ang nasugatan sa mga bandido, aniya.
Umatras ang mga bandido sa kasagsagan ng bakbakan at tinutugis na ng mga tropa ng pamahalaan, ayon kay Magno.
Naganap ang sagupaan limang araw lang matapos magkasagupa ang mga sundalo at Abu Sayyaf sa Brgy. Upper Benengbengan, doon din sa Sumisip, noong Agosto 14.
Isang kasapi ng Abu Sayyaf at sundalo ang nasawi habang isang kawal at di bababa sa dalawang bandido ang nasugatan sa unang sagupaan, ayon sa militar.
Ang mga bandido sa Sumisip ang nasa likod ng mga pambobomba laban sa mga sundalo at construction company sa Basilan Circumfirential Road, at sumira sa Maluso Water System nitong unang bahagi ng taon, sabi ni Lieutenant Colonel Eliglen Villaflor, commander ng Army 4th Special Forces Battalion, noong Agosto 14.
Nagsasagawa ng combat operation para itaboy ang mga bandido sa Sumisip dahil napipigilan ng presensya ng mga ito ang “socio-economic activities” doon, sabi naman ni Magno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.