MAY kumakalat sa mga umpukan, tuluyan na raw iniwan ni Sen. Grace Poe si Vice President Jejomar Binay sa isang survey.
Nasa level 30s na si Poe samantalang si Binay ay wala na 20s. Kaya ang tingin ng marami, panic mode na si Binay.
Mukhang tama rin ang hinala noong una, mataas si Binay sa mga naunang survey dahil wala pa naman siyang kalaban.
Pero nang lumabas ang pangalan ni Poe ay nahatak pababa ang rating ni Binay.
Huwag kalilimutan na inendorso na rin ni Pangulong Aquino si Interior and Local Government Sec. Mar Roxas.
Inaantabayaan ng lahat ang epekto ng “Cory Magic” kay Roxas.
Tandaan na ang ina ni PNoy na si dating Pangulong Cory Aquino lamang ang nakapagpanalo ng inendorsong kandidato matapos ang EDSA People Power 1.
Si Cory ang nag-endorso kay dating Pangulong Fidel Ramos. Si Ramos ay inendorso si da- ting Speaker Jose de Venecia Jr., pero natalo kay dating Pangulong Joseph Estrada.
Si Estrada naman ay pinababa ng EDSA People Power 2 at pinalitan ni dating Pangulong Gloria Arroyo. Inendorso naman ni Arroyo si dating Defense Sec. Gilbert Teodoro na natalo kay PNoy.
Ang aabangan sa susunod na taon ay kung kaya ring magpanalo ni PNoy ng kandidatong presidente.
Sa survey ng Makati Business Club, ang Office of the Vice President ng tinaguriang “worst performing agency.”
Iniuugnay ito sa hindi direktang pagsagot ni Binay sa mga alegasyon ng korupsyon laban sa kanyang pamumuno sa Makati City.
Hindi rin naman maiaalis na alam ng mga miyembro ng Makati Business Club kung totoo ang mga alegasyon o hindi.
Maraming matatalinong tao sa mga ito kaya alam nila kung sila ay niloloko o hindi. Kung totoo ang mga alegasyon o hindi.
Nariyan din ang mga malalaking kompanya ng konstruksyon kaya sila ay higit na nakakaalam kung overpriced ba ang Makati City parking building o hindi.
Alam din nila kung totoo ang alegasyon na kinokotongan ang mga nagnenegosyo roon kapalit ng permit. Kung totoo na mayroong hinihinging condo sa mga itinatayong condominium unit.
At kung bakit hindi sila sumasali sa bidding ng mga proyekto ng Makati City government.
Dagdag ito sa sakit ng ulo ni Binay. Ang survey na dating ipinagmamalaki na at siyang batayan ng kanyang mga kasamahan na sila na ang susunod sa Malacanang ay problema na ngayon.
Naaalala ko pa bago ang 2010 elections, si- nabi ni Binay na siya ay mananalo gaya ng resulta ng survey.
Lamang na siya noon sa survey at pumapangalawa si Roxas.
Ngayon ay paano kaya tinitignan ni Binay ang survey? Kung sa bagay malayo pa naman ang halalan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.