Korina natatakot para sa mga beking walang ipon
Hindi nawawala ang mga ngiti ni Rated K host, Korina Sanchez-Roxas habang nanonood sa mga kaganapan sa ginanap na “Keribeks 1st National Gay Congress” kamakailan sa Araneta Coliseum na dinaluhan ng malalaking bituin sa TV at pelikula.
Kasama na nga riyan sina Maricel Soriano at Vice Ganda. Pagkatapos ng palabas ay hiningan ng komento si Ate Koring, “Ang saya! E, di wow!” tuwang-tuwang tugon ng TV host.
Inamin ni Korina na sadyang malapit siya sa mga beki at ilang beses na rin siyang gumawa ng istorya tungkol sa third sex na ipinalabas sa Rated K.
Gustong ipaalam ng TV host na ang mga beki ay maaasahan sa lahat ng bagay at matulungin kaya isinusulong niyang sana bigyan ng equal rights sa lipunan.
Kaya raw nagkaroon ng 1st National Gay Congress ay dahil, “May mga beki na lumapit sa akin, e, alam mo naman ang mga ‘yan, malapit talaga ang puso ko sa kanila, kasi buong career ko, sila ang kasama ko sa trabaho.
“So ako, hindi mo lang ako katrabaho kundi kapamilya mo na rin, so alam ko lahat ang mga isyu nila sa buhay, alam ko ‘yung mga hinagpis nila and I figured that they really need empowerment kasi talagang mayroon pa ring diskriminasyon, tumatanda pa rin silang walang ipon, wala silang mga plano sa buhay, so this is really intended para sa self-sufficiency, makita nila ang kanilang future, paghandaan nila at the same time, para masaya lahat,” mahabang sabi pa ni Korina.
Sa nasabing gay congress ay namataan din ang asawa ni ate Koring na si DILG Sec. Mar Roxas, “Supportive siya sa equality, sabi ko nga kahit sa dulo (end of the show) ka na lang, pero he was here the whole time para manood.
“Ang proyektong ito was two years in the making kasi lahat ng grupo ng mga beki sa bawat city, bawat probinsiya pinuntahan ko isa-isa nakinig ako sa mga kailangan nilang sabihin kaya nabuo ito.
“Long before nagkaroon ng plano si Mar na tumakbo nariyan na talaga ‘yan at testigo ko ‘yung mga kasama kong narito,” esplika pa ni Korina.
Nabuo rin daw ang 1st National Gay Congress ay para magkaroon ng boses ang bawat beki, “Well, maraming nagsilapitan, maraming nagsabi na sumali na sila sa ibang organisasyon at naisip ito ng grupo ng mga beki na sana magkaroon ng umbrella organization na kung mamarapatin nila na sila’y sumali diyan.
“Basta’t ang pangako ko sa kanila, susuportahan ko ang mga proyektong eksklusibo para sa mga beki like job fair na beki lang ang puwedeng pumasok, concert na beki lang ang puwedeng manood.
It is really an effort to make them recognize because they are people and they deserve to be treated equally and this is the start of that,” pahayag pa ng TV host.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.