Michael Pangilinan matagal nang type si Carmina Villaroel
SAYANG at hindi namin natanong si Michael Pangilinan kung pinapanood niya ang seryeng Bridges of Love dahil nandoon si Carmina Villaroel na ayon sa binata ay childhood crush niya at ng kanyang kuya.
Natatawa kami sa kuwento n Michael, hanggang ngayon kasi ay super-duper crush pa rin niya si Carmina at talagang starstruck daw siya kapag nakikita niya ang aktres-TV host.
“Nakasama ko nga po siya sa Kris TV, sinabi ko talaga sa kanya na crush ko siya, sabi ko, ‘alam nyo po ba, bata palang ako, bata palang kami ng kuya ko, pinag-aagawan ka na namin.’”
At ang reaksyon daw ni Carmina, “Parang na-flatter siya, na parang nahihiya.” Ano bang nakita niya kay Carmina? “Hindi ko ma-explain, parang ano, basta! Lalo na nu’ng kabataan niya,” sabi ng binatang singer.
Ang misis ni Zoren Legaspi ang namumukod tanging crush ni Michael sa showbiz, pero kung bibigyan naman siya ng pagkakataong may makatambal ay si Julia Barretto ang gusto niya.
“Maganda kasi at wala pang loveteam, so malayang makakapag-usap, unlike si Liza Soberano, may Enrique (Gil) na kaya parang nakakailang, siyempre ayaw ko naman ng hindi malayang kausap dahil ayaw ko ring gawin sa akin iyon,” paliwanag ni Michael.
Samantala, pinasok na rin ni Michael ang pag-aartista dahil siya ang bida sa pelikulang “Pare, Mahal Mo Raw Ako” na titulo ng kanta niyang sinulat ni Joven Tan na siya ring direktor ngayon movie ng binatang singer kasama si Edgar Allan Guzman.
Kaya ang tanong namn kay Michael, anong pakiramdam na artista na rin siya? “Hindi naman ako artista, extra lang ako roon, pero masaya kasi bagong mundo,” sagot ng binata nang makatsikahan namin sa labas ng Starbucks Imperial kasama ang manager niyang si Jobert Sucaldito at dalawa pa nitong alaga.
Inamin ni Michael na hindi niya sukat akalain na siya ang mapipiling gumanap sa pelikula at kaagad niyang sinabi na hindi ito gay film, “Wala pong kissing scene o anumang malaswa kasi hindi ko naman alam na bading siya, kumbaga best of friends lang kami, ‘yung tipong may hug kapag maghihiwalay, ‘yung usual na kilos ng magkaibigan kapag magkikita o aalis, ‘yung may hi-5 pa.”
Kinumusta namin ang first shooting day niya, “Kabado kasi wala akong alam sa pag-arte at least sa pagkanta, mayroon akong ideya maski nakapikit ako, alam ko ginagawa ko.”
Hindi nag-workshop ang binata dahil mas gusto raw ng producer at direktor ang natural niyang pag-arte, “Gusto nila hindi aral ang pag-arte ko.
Saka hindi naman sila istrikto kasi first time ko, saka masaya, lagi nga akong excited sa shooting lalo na kung may mga lines,” kuwento ng binatang singer.
Paano kung tanggap na si Michael bilang artista, isasantabi na ba niya ang pagkanta? “Ay ‘yun ang hindi ko gagawin, mawala na ang pag-arte ko, ‘wag lang ang pagkanta ko.
Ayokong masayang ‘yung ibinigay na talent sa akin siyempre,” sagot ng binata. Katwiran ng manager ni Michael na si katotong Jobert ay wala silang balak pasukin ang pag-aartista, “si Joven kasi, maganda ‘yung materyal niya about the song at inilapit niya ito sa Star Cinema.
“E, sabi kay Joven, kung mapapayag nilang si Michael ang gumanap, puwede kasi ire-release ito ng Star Cinema since artist ng Star Music si Michael.
Ayoko talagang pag-artistahin si Michael, kaso nilatagan ako. Susundin ‘yung istorya at hindi gay film.
“So kinausap ko si Michael na ayaw niya, pero before gusto niyang mag-artista at sinabihan ko siya noon na, ‘lahat na lang artista-singer’ so na-realize niya na tama ako, so singer na lang gusto niya.
“Nu’ng kinausap ko siya, umayaw kasi ang concern niya, baka raw mag-flop. Ang paliwanag ko sa kanya, ‘huwag mag isip ng negative, pero when it comes to worst, hindi ka naman maapektuhan kasi singer ka kaya maiintindihan nila at kaya mo lang ito ginawa kasi this is your song, so nakinig naman,” sabi pa ng kasamahan din natin dito sa BANDERA.
Mapapanood ulit si Michael sa Music Museum sa Agosto 29 para sa “Kilabot ng Kolehiyala” concert at umokey na raw si Hajji Alejandro na orihinal na Kilabot ng mga Kolehiyala na mag-guest sa show.
Pero ang isa pang tinawag na Kilabot ng Kolehiyala na si Ariel Rivera ang hindi puwede dahil may taping daw.
At kaya rin daw siya nagsisipag ay para matupad ang usapan nila ng manager niya na sa pagtuntong niya ng 20 ay nakamit na niya ang first million niya at pag 25 na siya ay may ipon na siyang P10 million.
Sa ngayon ay loveless si Michael dahil mas priority niya ang career at kapag walang trabaho ay gym at basketball lang ang gimmick time niya.
Paano pag malamig ang gabi lalo na ngayong sunud-sunod ang bagyo. “Wala po, nasa kuwarto lang ako, may heater ako sa kuwarto,” tumawang sabi ng binata.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.