Coco Martin: Ayoko talagang mapahiya kay FPJ!
Ang ABS-CBN President at CEO na si Ms. Charo Santos-Concio ang pumili kay Coco Martin para gumanap sa obra maestra ni Da King, Fernando Poe, Jr. na Ang Probinsiyano sa ilalim ng produksiyon ng Dreamscape Entertainment nina Deo Endrinal, Julie Ann Benitez, Rondell Lindayag at Kylie Manalo-Balagtas.
Kaya naman sobrang tuwa ni Coco nang malaman niyang siya ang napiling magbida sa nasabing serye at talagang abut-abot ang pasalamat niya sa mga bossing ng Dos.
“Honestly, ako po yung nagbigay ng idea sa kanila kasi gusto po ni Ma’am Charo na gumawa ng isang police na istorya, dito nga po sa teleserye namin.
“And then nu’ng sinabi nina Sir Deo na ‘yun ang gusto ni Ma’am Charo and then sinabi ko po, ‘Alam niyo po, may magandang pelikula si FPJ, ‘Ang Probinsyano.’ So ‘yun, after that pinag-usapan nila,” pahayag ni Coco.
Bago pa pala namatay si FPJ ay may verbal agreement na sila ni Ms Charo na ang movie library niya ay ipinagkakatiwala niya sa ABS-CBN at naging pormal ang usapan noong nailibing na siya.
Kaya naman ang maybahay ni Da King na si Ms. Susan Roces ay sobrang nagpapasalamat sa ABS-CBN sa pagbibigay ng halaga sa mga project ni FPJ.
Naibahagi rin ni Coco na noong ginagawa nila nina Ms. Susan ang seryeng Walang Hanggan noong 2012 ay nabanggit na raw ng Reyna ng Pelikulang Pilipino na may mga pelikula si FPJ na bagay na bagay sa aktor at natandaan daw niya ito.
“Bata pa lang po ako (tagahanga) na ang lola ko, kasi talagang solid FPJ fan. Nu’ng bata ako, ‘yung nakalakihan ko talaga ang manood ng Filipino classic movies, isa po do’n ang mga pelikula ni FPJ,” sabi ni Coco.
Samantala, hindi raw babaguhin ang kuwento ng “Ang Probinsyano” na isasalin sa teleserye at isusulat ni Joel Mercado na ididirek naman nina Malu Sevilla at Avel Sunpongco.
Sisimulan na ang taping sa katapusan ng buwan at hopefully umere ito ng Agosto o Setyembre. Makakasama rin ni Coco rito si Arjo Atayde na gaganap bilang bestfriend niyang pulis na may lihim na gawain, at sina Angeline Quinto at Bela Padilla bilang leading ladies niya.
Magiging lola naman ni Coco sa kuwento si Ms. Susan Roces. Si Albert Martinez naman ang gaganap na tatay ni Arjo na labis na nagpapasalamat kay Coco dahil ito raw mismo ang nag-request sa ABS na isama siya sa proyekto.
May isa pa raw leading lady si Coco na hanggang ngayon ay wala pang final decision kung sino pero dapat daw ay sexy ito, kaya’t pumasok ang pangalan ni Yam Concepcion na bagay din naman sa role.
Say ni Coco sa bago niyang papel bilang pulis pagkatapos nga ng kanyang role sa Maalaala Mo Kaya bilang SAF commando, “Matinding nerbiyos.
Sabi ko nga po napakaswerte ko na kahit paano magagampanan ko ang isa sa pelikulang talagang tumatak sa ating mga Pilipino.
“Siyempre po malaki ang pressure sa akin na alam ko na never kong mapapantayan pero kahit papano mabibigyan ko ng justice yung character ko.
“Sinabi ko po talaga, sana magkaroon ako ng matinding training dahil iba si FPJ, iba ang ginagawa niya sa kanyang mga pelikula. Ayoko naman na mapahiya ako at kahit paano mapaghandaan ko,” dagdag ni Coco.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.