Daniel, Kathryn umamin: Di pa sure kung sila na nga hanggang huli | Bandera

Daniel, Kathryn umamin: Di pa sure kung sila na nga hanggang huli

Reggee Bonoan - May 16, 2015 - 02:00 AM

daniel padilla

SPEECHLESS ang lahat ng nakapanood ng trailer ng Pangako Sa ‘Yo sa ginanap na grand presscon ng serye sa Dolphy Theater noong Huwebes ng gabi sa pangunguna ng mga bidang sina Daniel Padilla, Kathryn Bernardo, Ian Veneracion, Angelica Panganiban at Jodi Sta. Maria.

Ang ganda naman kasi talaga ng mga napanood nating eksena bossing Ervin at parang pelikula ang atake kaya naman tinanong ang Star Creatives at directors na sina Olive Lamasan, Dado Lumibao at Rory Quintos kung bakit ginawang serye ang remake ng Pangako Sa ‘Yo at hindi ginawang pelikula.

“Naisip na rin po namin, kaso kung pelikula po, isang oras at kalahati lang unlike sa TV, gabi-gabi mong aabangan at magtatagal pa,” katwiran ni direk Olive na siya ring nagdirek sa original version nito na pinagbidahan nina Jericho Rosales at Kristine Hermosa 15 years ago.

Inamin din ni direk Olive na may mga naisip naman daw silang puwedeng gumanap sa remake, pero ang final choice nila ay sina Daniel at Kathryn dahil sila ang number one loveteam ngayon.

Kinunan naman ng reaksyon sina Daniel at Kathryn sa mga papuri ng kanilang mga direktor, “Sobrang overwhelmed, na-excite naman kami talaga ni DJ,” tipid na sabi ni Kath.

Sabi naman ni Daniel, “Oo, sobra akong nagagalak kanina sa napanood ko, sobra. Kinakabahan din siyempre, pero kakayanin.”

Ano naman ang masasabi niya na sila na ang tinaguriang number one loveteam sa showbiz, “Nakakahiya nga, eh, siyempre awkward, pero salamat,” nahihiyang sabi ni DJ.

“Sobrang overwhelmed, at nakaka-pressure lalo, kailangan talaga naming gawin lahat para hindi sila (management) mabigo,” katwiran ni Kath.

Aminado rin si Kathryn na hanggang ngayon ay ang loveteam nina Echo at Tintin ang paborito niya. May nagkomento naman na hindi nagkatuluyan sina Jericho at Kristine sa totong buhay, magiging ganito rin kaya ang tambalang Daniel-Kathryn.

“Sa totoo lang, hindi natin hawak ang future at kung anuman meron kami ngayon ay ini-enjoy na lang namin. Masaya kami,” sabi ni Daniel. “Oo nga, anuman mayroon kami, masaya kami,” natawang sabi rin ni Kath.

Samantala, finally ay nagkakilala na raw sina Kathryn at Nadine Lustre at para sa Viva artist, sobrang tuwa niya na nakilala na niya nang personal ang hinahangaan niyang batang aktres.

Reaksyon ni Kathryn, “Kagaya nga ng sinabi niya (Nadine), buti nga na-break na ‘yung ice finally, ang hirap kasi maraming mga kuwento tapos kami, nauunahan agad ‘yung impression, so happy ako na nag-meet na kami.

So, looking forward kami na (magkasama) sa ASAP para mas makilala ko pa siya.” At muling inulit nito na wala namang isyu sa kanila ni Nadine, “Gusto ko silang (James Reid) i-congratulate sa movie nila (Hopeless Romantic).”

Hoping din si Kathryn na maging close o maging magkaibigan din sina Daniel at James, “Ang mga lalaki naman ang bilis mag-jive, kulang lang siguro kami ngayon ng time, busy sila, busy din kami.

Yes, I’m sure magki-click sila. Kaya wala ng awkwardness after this. Siguro mas lalo ko pa siyang (Nadine) makikilala kapag may gagawin kami.”

Kamukha raw ni Kath si Nadine, “Okay lang naman kung ‘yun ang nakikita nila kasi pareho kaming morena at wala akong nakitang masama kung ma-compare ako sa kanya.”

Diretsong tanong naman namin kay Daniel ay kung kailan sila aamin ni Kath sa tunay nilang relasyon, “Ano bang aaminin ko? Wala na. Pag hindi na kayo interesado,. Ha-hahaha! Joke lang,” biro ng batang aktor, sabay hirit ng, “Kapag nasa tamang oras, gabi na kasi ngayon!”

Samantala, tinanong namin si Kathryn kung handa na siyang masampal ni Angelica sa Pangako Sa ‘Yo dahil tiyak na pinaghahandaan na rin ito ng girlfriend ni John Lloyd Cruz, “Opo, handang-handa na, napag-usapan na namin at okay na kasi ayaw din namin magkaroon ng samaan ng loob after, tulad din niya (Angelica), ayaw niyang magkaroon ng kaaway.”

“And alam ko naman na yun nga ang hinahap ng mga tao, kasi ganu’n sa dati. Pero mas minodernize lang namin, ‘di naman puwedeng puro sampalan.”

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Sabi naman ni Angelica, “Nagpaalam na naman ako kay Kathryn. Sabi ko, ‘okay lang ba (sampalin kita ng totoo)?’ Kasi minsan may sakitan kami. Sabi naman niya, ‘opo.’ O, e, di okay!”

Magkakaalamanan na kung kaya na nga nina Kathryn at Daniel na lampasan ang itinalang rating ng PSY nina Echo at Tin, magsisimula na ito sa Mayo 25 sa ABS-CBN mula sa Star TV.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending