Jasmine napaiyak sa huling taping ng Move It
Nasa taping kami ng grand finals ng Move It Clash of the Streetdancers noong Miyerkules ng gabi sa TV5 at talagang napabilib kami sa mga contestant ng limang top Dance Crews at Solo Movers.
Nanghihinayang nga kami dahil sobrang liit ng stage sa studio ng TV5 para sa grand finalists ng Move It kaya parang bitin ang mga hatawan nila sa dance floor.
Katwiran sa amin ng staff ng Move It, “Kasi po pang-masa ang show, kung sa Resorts World ginawa, hindi mapupuntahan ng supporters ng bawat dance crew kasi malayo at saka sosyal ang Resorts World. Dapat nga sa Manila ito gagawin kasi streetdancers, e, hindi lang umabot kaya dito na lang din sa studio para marami ring makapanood.”
Anyway, P1 million ang paglalabanang premyo ng top 5 Dance Crew at P500,000 naman para sa Solo Movers na bigay naman ng PLDT Home Telpad.
Pawang mga sikat ang finalists na dance crews tulad ng Pangasinan Movement mula sa Mangaldan, Pangasinan na dating back-to-back champion sa World Supremacy battlegrounds sa Sydney, Australia 2011 at 2012; Two-time awardee ng Ani ng Dangal (National Commission for Culture and Arts category 2012 at 2013).
Sumunod ay ang FCPC Baliktanaw Performing Arts mula sa San Jose del Monte, Bulacan na naging grand champion noong 2007 at 2011 sa Indakan Festival of San Jose Del Monte City Bulacan; 2012 grand champion ng SM Fairview GFV Interpretative Dance Festival; 2013 grand champion ng PHILTOA Cultural Dance Competition at 2013 Aliw Awards (Discovery of the Year category).
Nandiyan din ang Nocturnal Dance Company mula sa Quezon City na naging Talentadong Pinoy Hall of Famer (The Battle Royale); pang-apat ay ang FMD Xtreme buhat sa Marikina City na naging back-to-back champion sila sa World Supremacy Battlegrounds in Sydney Australia, 2013 and 2014.
Panghuli ang PUP Power Impact Dancers na naging 2014 champion sa Dell’s Break Beats 2014; 2014 Champion, Gear Up back-to-back Champion-Sayaw Hataw; 2013 Champion PUP Jive, the Step Up 4: Revolution 3D dance battle.
Sa Solo Movers naman ay maglalaban sina Dhztine Bernardino, Job Zamora, anak ni Joshua Zamora, Anykka Asistio, anak ni Nadia Montenegro kay dating Caloocan City Mayor Boy Asistio, at RJ De Claro, isang professional choreographer, dancer, at miyembro ng Maneouvers.
Tatanggap ng P100,000 ang dance crew na may pinakamaraming online votes at P30,000 naman sa solo movers at ang mga hindi magwawagi ay makakapag-uwi ng P10,000.
Sina Tom Taus at Jasmine Curtis ang hosts ng Move It Clash of the Streetdancers. Mapapanood na ngayong gabi ang grand finals ng Move It sa TV5, 8 p.m.
Samantala, napansin namin na naluluha si Jasmine habang nanonood ng rehearsal-taping ng show dahil sa separation anxiety.
Ibinuking sa amin ng taga-Move It na ganito raw talaga si Jasmine, kapag nga raw may natatanggal na grupo sa sa show ay naiiyak siya, kaya lalo na ngayong tapos na ang programa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.